Rice sufficiency ng bansa, posibleng makamit sa loob ng 2 taon—NIA

Rice sufficiency ng bansa, posibleng makamit sa loob ng 2 taon—NIA

TIWALA ang National Irrigation Administration (NIA) na maaabot ng bansa ang rice sufficiency sa loob ng dalawang taon.

Batay ito sa projection ni NIA administrator Engineer Eduardo Guillen sa Laging Handa public briefing nitong Huwebes.

Aniya, makakamit ang rice sufficiency kung magtutuluy-tuloy ang mga programa ng pamahalaan para dito.

“Kahit sa loob ng dalawang taon po, kung talagang tama po iyong pag-uusap natin, ng ating DA, iyong kanilang National Rice Program at saka itong PhilRice, ano po, ay makakamit po; tataas po talaga nang husto iyong ating output. And then, sa mga infra po natin, may mga medium-term naman tayong mga solusyon diyan, ano po, lalo na ngayon,” ayon kay Engr. Eduardo Guillen, Administrator, NIA.

Kabilang din sa mga nakalatag na hakbang ng pamahalaan para makamit ng Pilipinas ang rice self-sufficiency ay ang gagawing pagbabago sa cropping calendar kasunod ng epekto ng climate change.

Saad ni Guillen, kausap na ng NIA ang Department of Agriculture (DA) patungkol sa usaping ito.

“Ang sabi nga ni Undersecretary Leo diyan ay dapat kapag dry season, ito po iyong talagang dapat mataas ang ani natin. Kasi baliktad eh, kapag wet season, nakaka-11 million metric tons daw tayo; kapag dry nasa, I think, mga seven or nine million metric tons lang, ano ho. Gusto niyang baliktarin iyon o gusto niyang dagdagan pa itong ano natin, itong sa dry season natin,” dagdag ni Guillen.

NIA, tiwala na makababawi at gaganda ang ani ng palay sa susunod na cropping season

Samantala, naniniwala naman ang National Irrigation Administration (NIA) na makababawi at gaganda ang aanihing palay sa susunod na cropping season.

Ito’y sa kabila ng pananalasa ng mga nagdaang bagyo at habagat.

Pahayag ni Guillen, hindi gaanong apektado ang mga tanim na palay sa nagdaang kalamidad.

Karamihan lamang aniya sa mga naapektuhan ang high value crops gaya ng mais at gulay.

Isinalaysay pa ng NIA chief na nasa 20% lamang ang naapektuhang palayan sa Ilocos Region na matinding sinalanta ng kalamidad.

Kaya naman, kumpiyansa ang NIA na magiging maganda ang ani sa susunod na taniman.

“So ang effect, siguro mga around 30% sa ating output, mga 10-20% siguro. Pero makakabawi po tayo, lalo na po itong susunod na cropping season po natin, ang ganda po ng coordination namin ng DA ano po at maganda po ang planning natin ngayon,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble