Russian rooftopper na umakyat sa Merdeka 118, viral ngayon

Russian rooftopper na umakyat sa Merdeka 118, viral ngayon

UMANI ng samu’t saring komento ang viral na pag-akyat ng Russian rooftopper sa Merdeka 118.

Ang Merdeka 118, ay kilala bilang Warisan Merdeka Tower at KL 118, na may 118 storey, 678.9 meters-tall na megatall skyscraper sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Sinasabing ang Merdeka 118 ay ikalawa sa pinakamataas na istruktura sa mundo.

Matapos buksan ng mga awtoridad ang imbestigasyon hinggil sa viral na pag-akyat sa tuktok ng gusali, isinalaysay ni Russian rooftopper na si Angela Nikolau ang kanyang karanasan sa pag-akyat sa Merdeka 118.

Si Angela Nikolau at ang kanyang partner na si Ivan Beerkus ay kilala sa mga Daredevil Stunt, na umakyat sa ilang skyscraper sa buong mundo.

Sa kanyang social media post, sinabi ni Nikolau na isang linggo siyang naghanap ng mahahalagang detalye kung paano siya makakaakyat sa Merdeka 118.

Gumugol aniya siya ng mahigit 20 oras sa pag-akyat sa gusali.

Aniya, nagsuot siya ng hijab, salamin at uniporme ng trabahante upang hindi siya mapansin ng mga nagtatrabaho doon.

Sinabi niya na nag-iingat siya upang hindi magdulot ng anumang pinsala sa anumang bagay.

Makalipas ang ilang araw ay kinumpirma ng dalawa ang kanilang stunt sa Instagram sa pamamagitan ng pag-post ng mga video at drone footage ng mga ito sa tuktok ng spire ng skyscraper.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Malaysian authorities sina Nikolau at Beerkus sa pagpasok sa pribadong pag-aari.

Sa ngayon ay walang indikasyon kung nasaan ang dalawa.

Follow SMNI NEWS in Tiktok