Ruta ng ‘Libreng Sakay’ program ng pamahalaan, binawasan

Ruta ng ‘Libreng Sakay’ program ng pamahalaan, binawasan

INIHAYAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na higit 100 mga ruta na ng ‘Libreng Sakay’ program ng pamahalaan ang pinahinto na.

Ito ay epekto ng papaubos na pondo para sa Service Contracting Program Phase 3 sa Metro Manila.

Nasa P7 bilyon ang inilaang pondo ng gobyerno para sa naturang programa bilang tugon sa krisis na nararanasan ngayon sa bansa.

Sinabi ni LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion, nasa P10 milyong ang binabayad araw-araw sa EDSA Bus Carousel at nasa P14 milyon naman sa buong National Capital Region para lang sa libreng sakay.

Ito ang dahilan kung bakit nabawasan ang ruta ng ‘Libreng Sakay’ program na malaking kaginhawaan sa publiko.

Dagdag pa ng opisyal, nasa 20% na lang mula sa P7 bilyong pondo ang natitira.

Dagdag pa ng opisyal, lumubo ang bilang ng mga operator na lumahok sa naturang programa.

Kung dati rati ay nasa 500 bus units lang ang bumabyahe, ngayon ay nasa 1,600 bus units na.

Sa kabila nito, lubos ang pasasalamat ng mga benepisyaryo ng libreng sakay ng pamahalaan.

Sa katunayan, hindi lang sa NCR ipinapatupad ang libreng sakay kabilang din sa programa ang Regions 1, 2, 3, Regions 4-A, 4-B at iba pa.

Sa pinakahuling tala ng pamahalaan umabot na sa halos P72 milyon ang nakabenepisyo rito.

Umaasa naman ang LTFRB na palalawigin ng susunod na administrasyon ang libreng sakay ng gobyerno sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo upang maibsan ang hirap na nararanasan ngayong mga panahong ito.

BASAHIN: 71-M commuters, nakinabang sa ‘Libreng Sakay’

Follow SMNI News on Twitter