Saliva testing roll-out, sisimulan na ng Philippine Red Cross

MAGSISIMULA na ngayong araw ang pag-rollout ng saliva RT-PCR testing sa molecular laboratory ng Philippine Red Cross (PRC) at sa port area ng Manila matapos makatanggap ng go signal sa Department of Health.

Sa sa isang liham na natanggap ng Red Cross mula kay Health Secretary Francisco Duque III, inaprubahan na ang paggamit ng saliva bilang ‘alternative specimen’ para sa RT-PCR testing.

Ito ay matapos naging matagumpay ang pilot study ng PCR kung saan mahigit isang libong samples ang sumailalim sa nasabing test.

Sa 1080 samples, 17 ang nagpositibo ng COVID-19 sa pamamagitan ng saliva tests habang nasa 9 naman ang nagpositibo sa swab testing.

Ayon kay PRC Chairman Senator Richard Gordon, ‘non-invasive and less stringent’ ang saliva RTC-PCR testing kumpara sa swab test.

Mas mura rin ang test na ito na nagkakahalaga lang ng P2000 kaysa sa swab testing na nagkakahalaga ng P3500 – P4000.

Dagdag pa ng senador, lalabas agad ang resulta ng saliva testing sa loob ng 3 hanggang 4 na oras kumpara sa 24 to 48 hours para sa swab tests.

Samantala, inihayag naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang pagsasagawa ng saliva testing ay gagawin lang muna sa mga PRC laboratories.

Bago nila pahintulutan ang ibang laboratories sa bansa na gagamit ng saliva tests aniya kinakailangan muna nilang tinggnan ang resulta sa vaildation tests ng Research Institute for Tropical Medicine.

Ayon naman kay Dr. Paulyn Jean Ubial, head ng PRC molecular laboratories, inaasahan ngayong Pebrero 5 na ang lahat ng 13 PRC molecular laboratories sa bansa ay masasagawa na rin ng saliva testing.

Para naman sa mga nais magpa-saliva test sa Philippine Red Cross, puwede nang magpa-book.

SMNI NEWS