MATAPOS ang matagumpay pero kontrobersiyal na 20th Anniversary Concert ng popstar royalty na si Sarah Geronimo, inihayag ngayon ng singer-actress na malaking bagay sa kaniyang karera ang dance group na G-Force.
Ito’y kasunod ng kontrobersiya na wala ang G-Force sa naturang concert at napaulat na nagkaroon ng di pagkakaunawaan sa pagitan ni Sarah at Teacher Georcelle.
Matatandaan na nasa 16 na taon na rin ang pinagsamahan ni Sarah at ng G-Force.
Una na ring ipinaliwanag ni Teacher Georcelle na ‘creative differences’ ang dahilan bakit siya nag-pullout sa concert ni Sarah.
Nirespeto naman aniya ni Sarah ang kaniyang desisyon.
Kahit na wala sa konsiyerto, kasama pa rin ang G-Force sa mga pinasalamatan ni Sarah sa pagtatapos ng kaniyang 20th anniversary concert sa Araneta.