HINIKAYAT ni Sen. Alan Peter Cayetano nitong Martes ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na magsagawa ng pag-aaral kung paano nito matitiyak na napapanatili ang Filipino values sa mga digital content na mapapanood online.
Ipinahayag ito ni Cayetano sa isinagawang plenary debate ng panukalang 2024 budget ng MTRCB nitong Nobyembre 14, 2023.
Binigyang-diin niya na dahil sa malawakang paggamit ng Internet, nabawasan ang kakayahan ng MTRCB na pangalagaan ang mga kabataang manonood mula sa mga hindi kanais-nais na content.
Hinikayat niya ang MTRCB na bumuo ng isang research arm na magsasaliksik kung paano mapapalawak ang mandato nito sa ilalim ng batas upang masakop ang iba’t ibang digital platforms, kabilang ang Netflix.
Nilinaw ni Cayetano na ang layunin ay hindi upang mag-censor kundi upang matiyak na ang mga kabataang Pilipino ay hindi kumokonsumo ng mga palabas na mararahas, mahahalay, o labag sa moral ng mga Pilipino.
Aniya, lalong mahalaga ito ngayong panahon kung kailan laganap na ang ilegal na droga, teenage pregnancy, at sexually transmitted diseases.
“It’s not more of censorship, but more of giving the young people the right ideas and information, and then they can make their own choices later on,” wika ng senador.
Pahayag ni Cayetano, malayo ang mararating ng paglalagay ng P10 milyon hanggang P15 milyon para sa iminungkahing pananaliksik sa pagkamit ng nasabing layunin.
Sumang-ayon si Sen. Jinggoy Estrada, na siyang nagpresenta sa plenaryo ng panukalang budget ng MTRCB, na medyo luma na nga ang batas na bumuo sa MTRCB at hindi na angkop sa mga hamon ng modernong panahon at digital age.
“Nakikinig ang pamilya ng MTRCB at sigurado ako na seryoso nilang isasaalang-alang ang mga balidong mungkahi ni Senator Cayetano,” pahayag ni Estrada.
Sinabi ni Cayetano na para matiyak na balanse ang lalabas na resulta, ang dapat gamiting basehan ng pananaliksik ay ang values ng sambayanang Pilipino at hindi ang personal na values ng chairperson ng MTRCB.
“We do have to have a standard, and siguro the first standard is the Philippine Constitution, which mentions the Lord Almighty sa Preamble pa lang,” aniya.
Dagdag ng senador, makakatulong pa nga sa mga filmmaker ang panukalang research dahil magiging updated sila tungkol sa uri ng mga palabas na talagang gusto ng publikong Pilipino.
“Hindi totoo na kailangan parating violence at sex para kumita,” aniya.