Sen. Bato, tiwalang papasa ang mandatory ROTC bill sa Senado

Sen. Bato, tiwalang papasa ang mandatory ROTC bill sa Senado

SA kabila ng pag-aalinlangan ng kapwa senador ay tiwala si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na ang panukala na nagsusulong para maging mandatoryo ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) ay maaprubahan sa Senado.

Ito ang sinabi ng dating police general na naging mambabatas matapos ipangako sa kaniya ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ipagpatuloy ang deliberasyon sa Senate Bill 2034 sa Mayo.

“My own personal estimate is that we will win by [a] slim margin. Kung magkakabotohan, we will win by [a] slim margin,” ayon kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Tiwala si Sen. Bato na kung magkakabotohan kasama ang 24 na senador ay tiyak na lulusot ang nasabing panukala.

Personal nga aniya nitong hiniling kay Zubiri na talakayin ang Senate Bill 2304 at desisyunan ang panukala ng kapulungan.

Umaasa si Sen. Bato na maisasabatas ang ROTC bill bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Matatandaan na kabilang ito sa priority bills ng kasalukuyang administrasyon.

Kasalukuyang naka-break ang Kongreso kung saan nakatakda naman itong magbalik sa Abril 29.

“With or without the West Philippine Sea issue, kailangang kailangan talaga natin ‘yan. How much more na merong pending threat galing d’yan sa West Philippine Sea? So, the more that we have to prepare. There’s no compromise for defense,” dagdag ni Dela Rosa.

Muling iginiit ng senador na mahalaga ang nasabing programa, partikular na sa gitna ng lumalalang tensiyon sa West Philippine Sea.

Ipinunto rin niya na hindi bago ang konsepto ng ROTC program kung saan aprubado pa aniya ito ng ating mga ninuno.

Si Dela Rosa ay kabilang sa mga senador na nag-akda ng panukala na naglalayong ibalik ang pagpapatupad ng mandatory ROTC program sa mga mag-aaral.

Noong Marso 2023, sinuportahan ni Dela Rosa ang Committee Report No. 64 na naglalaman ng Senate Bill 2034 kung saan pinagsama ang lahat ng mga panukalang batas ukol sa mandatory ROTC program.

Sa ilalim ng SB 2034, ipatutupad ang mandatory basic ROTC program sa lahat ng mga mag-aaral na naka-enrol sa hindi kukulangin sa dalawang-taong undergraduate degree, diploma, o certificate programs sa mga higher education institutions at technical-vocational institutions.

Ang panukalang batas ay kasalukuyang nasa period of interpellations sa Senado.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble