Senado, hahanapan ng sagot ang pagpapasakdal kay Duterte sa dayuhan

Senado, hahanapan ng sagot ang pagpapasakdal kay Duterte sa dayuhan

MAYO 20, 2025 – Matinding pahayag ang binitiwan ni Senadora Imee Marcos sa pagbubukas ng pampublikong pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations kaugnay ng usapin sa umano’y pagsuko ng dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa dayuhan.

Sa kanyang opening statement, tinanong ni Marcos kung bakit ipinasa sa banyaga ang isang kapwa Pilipino, partikular ang isang dating Pangulo na naglingkod sa bansa.

“Ito po ang napanood ng buong bansa at ang tanging tanong, bakit natin isinuko ang isang kapwa Pilipino?” aniya.

Ginamit ni Marcos ang matalinghagang paghahambing sa isang pamilya, na kung ang isang kapatid, ama, o lolo ay inuusig at inaabuso, hindi ba’t tungkulin ng pamilya na protektahan ito?

Aniya, “Isinuko natin si Rodrigo Roa Duterte sa dayuhan na para bang wala siyang sariling bayan, na para bang hindi na natin kayang humusga sa sarili nating tahanan.”

Binatikos din niya ang panlabas na panghihimasok sa hustisyang Pilipino, na para bang ang Pilipinas ay isang probinsya ng ibang bansa.

“Sabi nila, batas ang dapat manaig. Tama! Pero kaninong batas? Sa atin o sa kanila? Kailan pa naging probinsya ng The Hague ang Pilipinas?” dagdag pa niya.

Ipinahayag din ng senadora ang pangamba na kung nagawa ito kay Duterte, maaaring mangyari rin ito sa sinuman sa hinaharap, kabilang ang ordinaryong Pilipino, lalo na ang mga OFW na nasa ibang bansa.

“The Senate will seek answers,” giit ni Marcos. Aniya, titiyakin ng Senado na kung may naganap mang pagkukulang, magkakaroon ng sapat na mga pananggalang upang hindi na ito maulit.

Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, nagbigay siya ng mariing panawagan sa mga Pilipino:

“Ang hustisyang ipinapataw ng dayuhan ay hindi hustisya. Ito ay pang-aalipin. Ito ay pagkontrol. At mga kababayan ko, hindi tayo alipin. Tayo ay Pilipino.”

 

Follow SMNI NEWS on Twitter