Senado kikilos na rin kontra PI; Hinikayat si PBBM na pigilan si Speaker Romualdez

Senado kikilos na rin kontra PI; Hinikayat si PBBM na pigilan si Speaker Romualdez

KASUNOD ng malaking protesta sa Davao City na pinangunahan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nagparamdam na rin ng pagprotesta ang Senado bilang isang institusyon kontra People’s initiative (PI).

Nitong Lunes, nagsuot ng puting damit at isa-isang kinabitan ng armband ang mga empleyado ng Senado.

Ito nga raw ay simbolo ng kanilang pagkakaisa kontra PI na ang layunin ay tanggalin ang Senado.

“Kapag natuloy itong People’s Initiative (PI), isang tao na lang ang mag dedesisiyon para amyendahan ang institusyon,” ani Sen. Sherwin “Win” Gatchalian.

Kagabi, sa ginanap na Candle Light Prayer Rally sa Davao City, sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na gagamitin ang kontrobersiyal na PI para mapalawig pa ang pananatili sa kapangyariihan ng mga Marcos.

Alam din aniya nito na sina First Lady Lisa Araneta Marcos at House Speaker Martin Romualdez ang nasa likod ng PI na siguradong magpapahamak kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Kasabay riyan ay nababahala na rin ang Senado sa maaaring kahantungan ng PI.

Ayon sa mga senador, posibleng mauwi sa isang Consitutional Crisis ang nangyayaring sagutan ng Kamara at Senado dahil sa PI.

“I think ‘yung pagpapatigil sa People’s Initiative made-defuse na ‘yung heat, ‘yung tensyon na nangyayari o away sa politika. Iinit at iinit ito,” ayon kay Sen. JV Ejercito.

“Panawagan at hiling ko ay para sa Pangulo na gumalaw na bilang Pangulo. Anong ibig sabihin kong galaw? Pigilan na niya, kausapin na niya, he should rein in his cousin and ally the Speaker kaugnay sa bagay na ito. Dahil hindi ito makakabuti sa kanyang administrasyon at bagaman sa tingin ng marami ang nasa likod nito ay ang Speaker at ilang mambabatas lamang,” ayon naman kay Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Para kay Escudero, maiging pigilan na ni Pangulong Marcos ang ginagawa ng kaniyang pinsan na si Speaker Romualdez dahil hindi naman aniya ito nakakabuti sa kaniyang administrasyon.

Samantala, sinabi rin ni Sen. Ejercito na para pigilan ang PI, asahan na mas magiging aktibo ang Senado sa pagsasagawa ng information drive kontra dito.

“We have a lot of catching up to do, kung kailangan natin mag-network with other groups, crossing party lines for the people. Again, hindi ito away ng Senado, hindi lamang ito away ng House of Representatives. We are fighting for the protection of our Democratic Institution,” saad ni Ejercito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter