Service Contracting Program, may nakalaang P1.285-B pondo –DBM

Service Contracting Program, may nakalaang P1.285-B pondo –DBM

PATULOY na makabebenepisyo ang mga komyuter sa ‘Libreng Sakay’ partikular sa EDSA busway system.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), mayroong nakalaang Php1.285 billion na inilaan ang gobyerno sa Service Contracting Program sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) budget ngayong taon.

Ito ay alinsunod sa Republic Act No. 11936, o ang Fiscal Year (FY) 2023 General Appropriations Act, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, naiintindihan nito ang halaga ng ‘Libreng Sakay’ sa mga Filipino commuters upang maibsan ang bigat na pinapasan ng mamamayan.

Dagdag ni Pangandaman, malaking tulong ang tipid-pasahe sa araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan.

Anuman ang halaga na kanilang naiipon araw-araw, maaari silang muling maglaan sa pantay o mas mahahalagang pangangailangan tulad ng badyet para sa pagkain, kuryente, tuition fee, at iba pa.

Ang Service Contracting Program, na nagbibigay-daan sa pagpapatuloy ng Libreng Sakay, ay naghahandog ng libreng sakay sa bus para sa publiko, kabilang ang mga bus commuter sa kahabaan ng EDSA.

Follow SMNI NEWS in Twitter