SINALUBONG ng mga biktima ng baha sa Brgy. Talic, Oroquieta City ang Bagong Taon na may pag-asa at saya.
Ito ay matapos sinorpresa sila ng SMNI Foundation Inc. katuwang ang Chinese Embassy ng mga libu-libong relief items.
Hindi masidlan ang tuwa at pasasalamat ng ating mga kababayan sa Oroquieta City sa tulong at pagmamahal na kanilang natanggap mula sa SMNI Foundation Inc. katuwang ang Chinese Embassy.
Isang selebrasyon na pinakahihintay ng lahat.
Isang selebrasyon ng mga masasayang salu-salo.
Isang selebrasyon na muling pagsasama-sama ng mga pamilya at mga mahal sa buhay.
Tunay na masaya at mapayapang ipinagdiwang ng karamihan, ngunit mapait para sa iilan nating kababayan.
Katakot-takot ang sinapit ng ating mga kababayan sa Mindanao partikular na sa Oroquieta City sa Misamis Occidental.
Walang tigil at malakas na pag-ulan nitong Kapaskuhan ang kanilang naranasan.
Nagresulta ito ng malawakang pagbaha na hindi nila inaasahang wawasak sa lugar at kikitil ng mga inosenteng buhay.
Inalala ni Aling Alejandra ang excitement ng kaniyang pamilya na ipagdiwang ang Pasko.
Kwento niya na naghanda siya ng Noche Buena na pagsasaluhan sana nila.
Bumuhos ang malakas na ulan na akala nila’y normal lang pero nangyari ang hindi nila inaasahan.
Walang tigil ang pagbubos ng ulan nitong Kapaskuhan nang dahil sa tinatawag na shear line na nagresulta ng malawakang pagbaha.
“Sa pasko nagluto talaga kami ng pagkain. Pero dahil dumating ang malaking baha, inanod ang lahat. Tapos may mga naisalba pa kaming damit. Then pagkatapos niyan ay bumalik na naman ang malakas na tubig. Naisalba na sana namin lahat pero inanod na naman. Wala na talagang naiwan sa amin,” ayon kay Alejandra Maisog, nasalanta ng baha.
Kwento naman ng kanilang padre de pamilya na binabaha naman ang nasabing lugar pero aniya ito ang kauna-unahan na sumira ng kanilang tahanan at akala niya’y kikitil ng kanilang buhay.
“Sige na lang basta hindi kami ang nawala. Okay lang. Kay kung hindi pa patay talaga kami. Hindi ako natatakot sa baha. Pero iyon lang ang baha na kinatatakutan ko. Lunop na ito. Hindi na ito baha, lunop na talaga iyon,” ayon naman kay Ali Maisog – nasalanta ng baha.
Masakit sa pamilya Maisog ang mga pangyayari pero tanong nila sa kanilang mga sarili, mayroon pa ba silang magagawa?
“Masakit talaga Sir pero pilit tatanggapin. Wala naman kaming magagawa. Dahil ito ang kalooban ng Diyos. Baka may darating pa na mas malaki pa niyan. Ang nawala babalik din,” ani Alejandra Maisog – nasalanta ng baha.
“Malapit na ang New Year. Dapat magsalu-salo kami. Pero wala na. Ano pa ba ang sasaluhan?” ani Alejandra Maisog – nasalanta ng baha.
Sa patuloy na pag-iikot ng SMNI News team, kitang-kita ng aming mga mata ang lawak ng epekto ng pagbaha sa Brgy. Talic.
Matapos ang malakas na pagbaha, karamihan sa mga bahay sa Brgy. Talic kung hindi man nasira ay napuno ng putik na minsan ay aabot sa baywang.
Tantsa ng mga residente, aabot ng dalawang linggo upang malinis nila ang kanilang mga kabahayan.
Maging ang mga kalsada ay hirap ding madaanan dahil sa makapal na putik.
Nabuwal ang mga puno at mga poste.
Naabutan ng SMNI News team si Aling Myrna kasama ang kaniyang pamilya na naglilinis ng kanilang tahanan.
Umaasa na may magagamit pa sana sila sa kanilang mga naipundar na kagamitan na linubog ng baha at putik.
Habang ikinikwento sa amin ni Aling Myrna ang kanilang sinapit noong Kapaskuhan, pilit niyang kinikimkim ang emosyon.
Sa tagal ng pag-uusap ng team at ni Aling Myrna, hindi niya na maitago ang sakit at pagkabalisa.
“Masakit. Hindi namin inexpect na ganito ang mangyayari ngayon. Simula nang kami ay tumira dito, ngayon lang ito nangyari. Kung babaha man, hanggang diyan lang iyan. Ngayon, hindi kakayanin dahil nakita ko talaga na ang lakas ng agos ng tubig,” saad ni Myrna Marcial – nasalanta ng baha.
Isa sa mga malaking hamong kinaharap ng residente ay kung saan kukuha ng kanilang makakain.
Aminado rin ang Oroquieta LGU na sila rin ay nahihirapan.
“What’s worst sa sitwasyon na ito, natamaan ang commercial center namin. Natamaan din ang aming merkado publiko. So walang pagkukuhanan ng pagkain ang mga tao. Kahit kami ay nahirapan na bumili ng aming food packs for the relief,” wika ni Mayor Lemuel Meyrick Acosta, Oroquieta City.
Sa datos ng lokal na pamahalaan na sa 47 barangay sa lungsod, 26 rito ay apektado ng pagbaha.
Sa ngayon, 8 na ang kumpirmadong nasawi sa Oroquieta.
Masakit at pagod pero anila hindi sila aatras sa laban ng buhay.
At ngayong bagong taon, iisa lamang ang kanilang hiling.
At ito ay muling makabangon.
“Ang wish ko ay makabangon kami. Makabangon kami. Despite sa huge floods, makakabangon talaga kam,” Susan Alabastro – nasalanta ng baha.
“God has better plans for us. So ingon ko nila these are temporary setbacks. We’re going to bounce back stronger and better than the day before the floods came to Oroquieta City,” ayon pa kay Mayor Lemuel Meyrick Acosta.
Chinese Embassy, nagbigay ng P1-M sa SMNI Foundation para sa mga biktima ng baha
Bagong taon, bagong pag-asa.
Lingid sa kaalaman ng mga taga-Oroquieta, isang malaking sorpresa ang naghihintay sa kanilang bago ang taong 2023.
Sa muling pagkakataon, nagsanib-pwersa ang SMNI Foundation Inc. at Chinese Embassy para magbigay saya at pag-asa sa mga biktima ng baha.
P1-M ang ipinaabot ng Chinese Embassy sa SMNI Foundation para sa isasagawang relief operation sa lungsod ng Oroquieta.
Mga nasalanta ng baha sa Oroquieta City, sinalubong ang bagong taon na may pag-asa dahil sa tulong ng SMNI Foundation at Chinese Embassy
Disyembre 30 nang ipinakilos ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng the Kingdom of Jesus Christ, ang relief operations team ng SMNI Foundation Inc.
Libu-libong relief items na naglalaman ng canned goods, condiments at iba pang pangangailangan ang tulung-tulong na inihanda ng mga volunteer.
Hindi rin mawawala ang mga galong-galong inuming tubig na isa sa mga pinakamatinding pangangailangan ng mga residente.
At siyempre para kumpletuhin ang pang Media Noche ng ating mga kababayan ay ang mga saku-sakong bigas.
Bakas sa mga mukha ng mga residente ang excitement at tuwa sa kabila ng kanilang dinanas noong Kapaskuhan.
Hindi mapigilan ang mga ito na umindak din habang tinatanggap ang mga tulong.
Muli rin naming binalikan ang pamilya Maisog bitbit ang kaunting salu-salo habang hinihintay ang pagsalubong ng Bagong Taon.
Hindi maitago ng pamilya ang saya na kanilang naramdaman dahil may isang Pastor Apollo C. Quiboloy na tumulong sa kanila sa gitna ng kanilang matinding pangangailangan.
Labis ang kanilang pasasalamat dahil ang kabutihan ni Pastor Apollo katuwang ang Chinese Embassy ang nagbigay sa kanilang daan na salubungin ang bagong taon na may ngiti, saya at pag-asa.
“Malaking-malaki ang ang aming pasasalamat. Una sa Diyos. Ikalawa kay Pastor Apollo Quiboloy at ang Ambassador ng China na si Ambassador Huang Xilian. Hindi namin inaasahan na ganito pala kalaki ang puso ni Pastor Quiboloy na kaniyang ibinigay sa aming mga nasasakupan sa Talic. Kung si Pastor Quiboloy ay artista pa, fan niya ako,” ayon kay Cristina Osilao, Kagawad, Brgy. Talic, Oroquieta City.
“Maraming maraming salamat dahil nandito ngayon ang mga nasasakupan ni Pastor Quiboloy at ang kaniyang SMNI at ang Chinese Embassy sa ating bansa, sa Pilipinas. Maraming maraming salamat sa inyo Sir. Malaking malaki ang maitutulong ng dala niyong ayuda ngayon sa mga residente ng aming barangay, ang Barangay Talic na matinding sinalanta ng baha noong petsa 24, petsa 25, petsa 26,” ayon naman kay Ricky Lagahid, Brgy. Captain, Brgy. Talic, Oroquieta City.
“To Pastor Apollo Quiboloy, maraming maraming salamat Pastor sa lahat ng inyong tulong dahil ang mga ibinigay mo sa aking mga nasasakupan ay malaking kasiyahan sa kanila. Maaalala ito palagi ng aking mga nasasakupan. Ang iyong kabutihan ay magiging patotoo nila na there is always hope in humanity. In the same way with our Chinese friends, the Chinese Embassy, maraming maraming salamat dahil ang Oroquieta is a small city and yet you have shown and extended your friendship to the people of Oroquieta and we will always be grateful to that. Maraming maraming salamat and God bless both of you,” wika ni Mayor Lemuel Meyrick Acosta, Oroquieta City.
Dala ang mga relief items, bitbit din nila ang bagong pag-asa ngayong bagong taon — pag-asa na sila’y muling makakabangon.
“Malaki talaga ang aking pasasalamat. Walang masidlan ang aking pasasalamat. Maraming maraming salamat talaga,” ayon pa kay Alejandra Maisog – nasalanta ng baha.
“Kadalasang ibinibigay ay tinapa, beef loaf at then quickchow. Ganiyan lang talaga natatanggap namin. Pero kay Pastor, sobrang dami. Grabe talaga ang ibinigay niya na saya sa amin,” dagdag pa ni Alejandra Maisog – nasalanta ng baha.
“Marami talaga ang kanilang ibinigay at marami din ang nabigyan. Hindi lang kami. Malaki talaga itong tulong,” aniya pa.
“Mula sa Brgy. Talic, Oroquieta City, maraming maraming salamat Pastor Apollo C. Quiboloy at Chinese Ambassador Huang Xilian,” ang pasasalamat naman ng mga taga-Oroquieta.
Bagong taon, bagong pagasa.
Tunay na sa SMNI Foundation katuwang ang Chinese Embassy, makakaasa ka na sa oras ng pangaingailangan may masusumpungan ka.