MAGHAHAIN ng motion for reconsideration ang Sonshine Media Network International (SMNI) kaugnay sa suspension ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa dalawang programa nito, ang Laban Kasama ang Bayan at Gikan sa Masa, Para Sa Masa ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Bago sa MTRCB, tutungo rin ang mga abogado ng SMNI na sina Atty. Mark Tolentino at Atty. Rolex Suplico sa National Telecommunications Commission (NTC).
Matatandaan na sinuspinde ng MTRCB epektibo noong Disyembre 18, 2023 ang naturang dalawang programa bilang aksiyon sa anila’y mga reklamo na nakarating sa kanilang opisina.
Una nang naghain ng motion for reconsideration ang network pero nitong Enero 4 ay muling nagpataw ng dagdag 14 na araw na suspension ang MTRCB sa nasabing dalawang programa ng SMNI.
Ang ginawang pagsuspinde ng MTRCB ay umani ng negatibong reaksiyon mula sa mga netizen.
Ang nasabing dalawang programa ng SMNI ay kilala rin na tumutuligsa sa lokal na komunistang teroristang grupo na CPP-NPA-NDF.
Kauganay rito, sinabi ni dating Pangulong Duterte na nais niyang makausap si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ukol sa kinakaharap ngayon ng SMNI.
Aniya, dahil sa suspensiyon sa network, nadali rin ang kaniyang programang Gikan sa Masa, Para sa Masa.
Giit ng dating Pangulo, hindi siya pinakiusapan ni Pastor Apollo Quiboloy ukol dito pero nais niyang tulungan ito dahil apektado rin aniya ang kaniyang programa na “Gikan sa Masa, Para sa Masa.”
“Kasi nadali ‘yung aking Gikan sa Masa, isali ko na lang ‘yung akin kasi ‘yun ang importante sa akin ‘yung [programa]. I do not want to confront the President but I’d like to talk to him indirectly kung bakit gano’n. Ako, as far as I am concerned, I have not crucified him, not even criticized him severely, maybe commented on the directions that the government is proceeding,” pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Hindi sang-ayon si Duterte sa NTC dahil wala naman aniyang anomalya na nakita ang ahensiya sa gobyerno sa SMNI.
“Sa tinuod lang ang NTC wala man silang nakitan- they have not come up any allegations or charge of any wrongdoing.”
“Wala koy nakitan na naay gisunod na wastong procedure, wala akong nakitang procedure na tama na sinunod,” dagdag ni Dating Pangulong Duterte/Courtesy: Dennis R. Lazo.
Samantala, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, bukas ang Malakanyang para sa nais ni Duterte na pakikipagdayalogo sa Pangulo.