MAKABULUHANG aktibidad na pinangunahan ng SMNI, ang tree planting activity at eco tour sa napakagandang Mount Arayat National Park sa Pampanga.
Mababanaag sa bawat ngiti ng mga volunteer ang excitement sa pakikibahagi sa nasabing programa na layong tulungan ang kalikasan at unti-unting maibalik sa dati nitong likas na ganda at maging katuwang ng maraming Pilipino sa kanilang pamumuhay.
Ayon sa Provincial Environment and Natural Resources Pampanga, mahalaga ang mga ganitong programa bilang tulong sa panawagan ng pamahalaan sa pagbibigay ng malasakit sa inang kalikasan.
Pero higit anila sa lahat ang maipagtuloy ang pangangalaga sa mga pananim hanggang sa ito’y tumubo, lumaki, at maging kapaki-pakinabang sa mga komunidad.
Para naman sa mga nagsipagdalo, malaking bagay anila ito para sa kanila na maging tulay sa mensahe ng pagkakaisa upang iangat ang kamalayan ng bawat Pilipino kung papaano mahalin ang ating kapaligaran para sa susunod na mga henerasyon.
Masaya rin ang iba matapos nilang itanim ang ilang punongkahoy na batid nilang may ambag ito na mapigilan ang anumang sakuna na darating sa bansa na maaring maging sanhi ng aksidente at makapaminsala sa buhay ng marami.
Bukod sa mga sektor na ito, katuwang din ng SMNI ang ilang uniformed men mula sa Bureau of Jail Management and Penology, Philippine Air Force at Philippine National Police para hikayatin ang publiko na makibahagi sa mga kaparehong aktibidad para sa ating kalikasan.
Sa huli, wala namang pinipiling lugar para ipakita ang malasakit sa ating kalikasan kahit sa bahay o trabaho man o maging sa mga paaralan o sa paligid lang ang mahalaga ay mag-umpisa sa ating lahat ang pakikipagtulungan na muling iahon ang ating mahal na bayan.
Kabuuang 1,500 seedlings ng punong kahoy ang naitanim sa naturang tree planting activity.
At sa kanyang live TV program na Sounds of Worship, muling iginiit ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ ang patuloy na pagiging kaisa ng bayan ang SMNI at mga organisasyon nito katulad ng Sonshine Philippines Movement (SPM) na layong tulungang iangat ang kamalayan ng bansa sa pagmamahal sa kalikasan anumang oras at panahon.
Matatandaang, ilan sa mga proyekto ng SPM ang relief operations, feeding program, clean up drive at tree planting activities hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang panig ng mundo.