Social media influencer na si Rosmar, naghain ng COC sa Maynila bilang konsehal

Social media influencer na si Rosmar, naghain ng COC sa Maynila bilang konsehal

NAGHAIN ng kaniyang Certificate of Candidacy (COC) ang social media influencer na si Rosemarie “Rosmar” Tan-Pamulaklakin sa Maynila pasado alas-dose ng tanghali kahapon, Oktubre 1, 2024.

Si Rosmar ay sasabak sa pagka-konsehal ng unang distrito ng nasabing lungsod para sa 2025 midterm elections.

Siya ay tatakbong ‘independent.’

Pangalawang beses na niya ito sa pagtakbo sa politika subalit hindi aniya siya nakaikot o nakapangampanya noong unang pagsabak dahil sa pagbubuntis nito.

Tiniyak naman ng social media influencer na sisipagan niya ngayon ang pangangampanya sa tulong ng kaniyang mga kaibigan.

Sinabi ni Rosmar na noong una, wala siyang balak tumakbo, dahil nakikita niyang parang dagdag lang ito sa sakit ng ulo, dagdag obligasyon at responsibilidad.

Pero may nag-udyok sa kaniya na tumakbo dahil kailangan daw siya ng tao at kailangan ng tunay na pagbabago.

Naniniwala rin si Rosmar na mas marami siyang matutulungan kung siya ay nasa posisyon sa gobyerno.

“Hindi lang po ako ngayon tumutulong, kagaya po ng iba na dahil may kailangan, eleksyon, ay tumutulong sa mga tao pagkatapos wala na, hindi na uli magpaparamdam. So hindi po ako ganun. So ngayon po pinu-push nila ako na tumakbo ka ‘kasi kailangan ka ng tao’. Kaya sabi ko, siguro nga mas marami akong matutulungan kapag naka-posisyon na ako,” ayon kay Rosemarie ‘Rosmar’ Tan-Pamulaklakin, Councilor Aspirant, Manila.

Pagdating naman sa law-making, binigyang-diin niya na lahat ng bagay ay pupuwedeng matutunan.

Iginiit naman ni Rosmar ang nais niyang tunay na pagbabago kung saan kasama sa tututukan niya kapag palaring manalo, ang kapakanan ng mga senior citizen.

Isa sa isusulong niya ang pagkakaroon ng permanent maintenance para sa mga matatanda.

“Nauumay na ako sa puro pangako lang.”

“Ang sakit lang sa puso na hindi ko kaya ang nagyayari na ‘yung budget ng gobeyrno paulit-ulit na lang na hindi napupunta sa mga tao.”

“Mga senior citizen na walang pang maintenance parang ang sakit sa puso

“Naging emosyonal naman si rosmar nang ikuwento ang mga masaklap na kalagayan ng mga natulungan niyang mga maysakit,” aniya pa.

Karamihan sa nag-file ng COC sa Maynila nitong Martes ay ang mga tatakbong konsehal ng siyudad.

Samantala, isang 19-anyos na si Alvin Karingal ang nagsumite ng kaniyang COC para sa pagka-alkalde ng Maynila.

Siya ang unang naghain ng COC for mayor sa lungsod.

Ang paghahain ng COC para sa 2025 elections ay nagsimula nitong Oktubre 1 hanggang Oktubre 8 mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.

Nilimitahan ng COMELEC ang bilang ng mga makakasama ng mga aspirant kung maghahain ng COC upang maiwasan ang overcrowding sa filing venues.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble