SSS, nagbabalang kakasuhan ang mga employer na hindi nagbabayad ng SSS contribution

SSS, nagbabalang kakasuhan ang mga employer na hindi nagbabayad ng SSS contribution

NAGBABALA ang Social Security System (SSS) na kakasuhan ang mga employer na hindi nagbabayad ng SSS contribution.

Kinalampag ng mga tauhan ng SSS ang ilang employer na hindi nagbabayad ng SSS contribution sa mga pangunahing lungsod ng Metro Manila.

Dala ang mga show cause order sinuyod ng mga tauhan ng SSS ang ilang establisimyento sa Mandaluyong, Makati, at Maynila kaninang umaga.

Pinagpapaliwanag ang nasa 25 employer na ayon sa SSS ay hindi tumatalima sa pagbabayad ng kontribusyon.

Sa Mandaluyong, isa sa 11 employer ang may mahigit P14-M amount of delinquency o kulang sa hulog.

Sa Maynila, isang printing studio ang hinabol dahil sa halos P6.8 million na unpaid premiums.

Ikinagulat ng isang empleyado nito nang malaman na hindi pala nahuhulugan ng kaniyang employer ang kanyang SSS.

Naiintindihan ng SSS ang sitwasyon ng mga employer ngayon.

Pero kaakibat naman ng hindi paghulog ay ang benepisyong posibleng hindi matanggap ng kanilang mga empleyado.

Sa Makati City Business District 6 na delingkwenteng employer ang sinampolan ng SSS.

Ang mga ito, ilang taon daw na may pending na reklamo sa hindi pagbabayad ng kontribusyon.

Isa-isang inakyat ng team ang bawat business establishment na target ng operasyon.

May babala naman si Atty. Victorina Pardo-Pajarillo, acting head ng SSS NCR South Legal Department sa mga employer na hindi magbabayad.

“So if ever na these employers found guilty later on ang imposable penalty naman natin ay 6 years to 12 years. So that’s a non probationable offense,” ayon kay Pardo-Pajarillo.

Ayon naman kay Cristine Francisco, concurring acting head ng SSS NCR South Division, nakasalalay ang benepisyo sa mga empleyado ang kontribusyon ng employer.

“Nakasalalay po sa kontribusyon ng employer at pagbabayad po nila ang mga benepisyo na para sa mga empleyado nila,” ani Francisco.

Mahigit sa 8,000 ang business establishments sa lugar kung saan may operasyon ng SSS sa Makati.

At ayon sa barangay mahalaga sa kanila na tumatalima sa batas ang mga nagnenegosyo sa kanilang lugar.

“Kasi we have more than 8,000 businesses. And we would want them to succeed. And we wouldn’t want any business in Barangay San Lorenzo to be falling prey to this kind of case involving SSS,” ayon kay Ernesto Moya, Chairman ng Brgy. San Lorenzo, Makati City.

Binigyan ang mga employer ng mga option upang makapagbayad ng kanilang mga delinquency.

Isa na rito ang Pandemic Relief and Restructuring Program.

 

Follow SMNI News on Twitter