ITUTULOY ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagdedeklara ng State of Public Health Emergency sa gitna ng patuloy na nararanasang COVID-19 pandemic.
Ito ang kanyang naging pahayag sa dinaluhang PinasLakas booster vaccination campaign event ng Department of Health (DOH) sa SM City Maynila ngayong araw, Agosto 17.
Sinabi ni Pangulong Marcos na kinokonsidera nito na palawigin ang naturang deklarasyon ng hanggang sa katapusan ng taon.
Paliwanag ni PBBM, maraming tulong na mula sa international medical community ang matitigil kapag hindi pinalawig ang State of Public Health Emergency.
Partikular dito ang tulong mula sa World Health Organization (WHO).
Noong Marso 2020, nagdeklara si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng state of public health emergency bunsod ng pandemya at nakatakda na itong mapaso sa Setyembre 12 ngayong taon.
Samantala, natanggap na nina Pangulong Marcos at presidential son Congressman Sandro Marcos ang kanilang COVID-19 second booster shot ngayong araw.
Kasabay ito ng dinaluhang PinasLakas vaccination event sa Maynila.
Ang brand ng bakunang itinurok sa mag-amang Marcos ay US-manufactured Pfizer COVID-19 vaccine.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulo na ang pagpapa-booster ay napakaimportante para mapalakas ang immunity laban sa severe COVID-19 infection.
Kasabay aniya ito ng ligtas na pagbubukas lalo ng ekonomiya at pagbabalik eskwela.
“We have many elements that are going to be important, the back to school, the certain parts of the economy, lahat yan, ay aming talagang tinitignan para makabalik sa trabaho, para makabalik sa ekswelehan, at para maging ligtas tayo, para maging safe tayo kailangan talaga we have to encourage everyone to have a booster shot para masasabi natin na fully immunized,” ayon sa Pangulo.
Samantala, kasama sa nanguna sa PinasLakas event si DOH OIC Dr. Maria Rosario Vergeire.
Inilahad ng health official na pinabibilis na ng ahensiya ang bakunahan kontra COVID-19 sa bansa.
Alinsunod ito sa mga direktiba ni Pangulong Marcos patungkol sa COVID-19 vaccination target sa first 100 days nito sa panunungkulan.
Sinabi ni Vergeire na target ng DOH ang 90% coverage ng primary doses para sa senior citizens at 50% first booster coverage sa general public.
Mababatid na kabilang din sa dumalo sa naturang event sina Presidential Management Staff Sec. Zenaida Angping, DILG Sec. Benhur Abalos, at Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan.
Itinampok din sa naturang vaccination event ang commitment ni Pangulong Marcos at ng national government na tiyaking mapabakunahan ang eligible population.
Ini-highlight sa PinasLakas event kaninang umaga ang partnership ng gobyerno at ng pribadong sektor maging ng iba pang stakeholders sa pamamagitan ng whole-of-society approach.