ANG mga lalawigan ng Negros Occidental at Negros Oriental ay partikular na kilala sa malawak na plantasyon ng asukal kaya naman tinawag itong “Sugar Capital” ng bansa.
Nasa 60 porsiyento ng asukal sa bansa ay kinukuha sa dalawang lalawigan nito.
Ang hamon ngayon sa mga magsasaka ng tubo—ang pag-aalburuto ng Bulkang Kanlaon na nitong Lunes, Disyembre 9 lang ay bigla na lamang itong pumutok.
Sa katunayan, ilang lugar na ang apektado ng asupre—kabilang ang La Castellana at La Carlota.
Habang umabot na rin ang ibinugang abo nito sa iba pang kalapit probinsiya—tulad ng Guimaras, Iloilo, at Antique.
Sabi naman ng United Sugar Producers Federation (UNIFED) may ilang pananim lang ng tubo sa Negros Island ang bahagyang naapektuhan ng asupre.
“Well, luckily hindi masyado ‘yung natamaan ‘yung sugar industry natin sa palibot ng bulkan at mataas ‘yung buga ng asupre even reach the other island it did not concentrate on our island that’s the beauty. So, medyo lumagpas kasi medyo malakas ang hangin so very little damage,” ayon kay Manuel Lamata, President, UNIFED.
Pero, ang kanilang pinangangambahan lang ay kung magtuluy-tuloy pa ang pag-aalburuto nito at bigla na lamang pumutok.
Babala ng UNIFED, asahan na magiging malaki ang pinsala nito sa industriya ng mga magtutubo.
“Well, mamamatay na ‘yan ‘yung sugar cane hindi mo na ‘yan ma-harvest kasi kinain na ng lahar. Ang sobra-sobrang ash it will cover the whole farm so malaking damages, damages na ‘yan talaga. We cannot no longer get sugar from it,” dagdag ni Lamata.
Una na ring sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng pumutok na muli ang nasabing Bulkan sa mga darating na linggo.
Sabi ng UNIFED, oras na mangyari ‘yan ay posible sumipa ang presyo ng asukal sa merkado lalo’t nalalapit na ang Pasko at Bagong Taon.
“When that happens siguradong prices will go up. But, definitely mag-spikes ‘yung presyo maybe for a month or 2 months tataas ‘yan.”
“Well, there’s nothing more I can do, we cannot fight mother nature,” ani Lamata.
Ayon pa sa UNIFED, ngayon pa nga lang ay bumaba na ang mill gate price sa asukal na umaabot na sa P50 kada kilo.
Isang trader aniya ang nasa likod ng manipulasyon sa mill gate price na nakaapekto sa kitaan ng mga magsasaka.
Nakatakda anila silang magsumite ng liham sa Agriculture Department and Sugar Regulatory Administration para maimbestigahan ito.