VisCom nakahanda sakaling magkaroon ng lahar bunsod ng pagputok ng Mt. Kanlaon

VisCom nakahanda sakaling magkaroon ng lahar bunsod ng pagputok ng Mt. Kanlaon

UMABOT na sa mahigit 20 lugar sa Negros Island ang apektado ng ashfall kasunod ng pagputok ng Bulkang Kanlaon nitong Lunes.

Sa huling tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), mas makapal ang nabanggit na ash fall sa kanlurang bahagi ng naturang bulkan.

Ang mga lugar na lubhang apektado ng usok na ibinuga ng Mt. Kanlaon ay ang mga lugar ng Hinigaran, Valladolid, Pulupandan, Pontevedra, San Enrique, La Carlota, La Castellana, Murcia, at Bago City sa Negros Occidental, at Canlaon City sa Negros Oriental.

Dagdag pa ng PHIVOLCS, dahil sa Kanluran-Timog-Kanlurang direksiyon ng hangin ay apektado rin ang mga lugar gaya ng Tigbauan, Igbaras, Miag-ao, Oton, Guimbal, Pavia at Iloilo City; San Jose de Buenavista, Belison, San Remigion, at Patnongon sa Antique; San Lorenzo, San Miguel, Nueva Valencia, at Sibunag sa Guimaras na bahagi ng Western Visayas.

Kasunod nito, sinabi ng Commander ng VisCom na si LtGen. Fernando Reyeg na agad nilang pinakilos ang Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) Teams ng VisCom at inilagay ito sa high alert para masiguro ang kaligtasan ng mga apektadong residente.

“We have placed our HADR Teams on high alert ready to provide immediate assistance to the affected communities. We have established close coordination with the local Disaster Risk Reduction and Management Councils (DRRMCs) to ensure timely and synchronized disaster response efforts. Our top priority is the safety and well-being of our people,” saad ni LtGen. Fernando Reyeg, Commander, VisCom, PA.

Samantala, sa panayam ng SMNI News kay LtCol. Israel Galorio, Chief, Public Affairs Office ng Visayas Command ng Armed Force of the Philippines (AFP) matagal na nilang pinaghahandaan ang posibleng pagputok ng Kanlaon.

“Nagkaroon kaagad ng movement yong mga HADR teams natin matagal na itong naka-organized sinusubaybayan na lang natin’ yong status nitong Bulkan Kanlaon,” pahayag ni LtCol. Israel Galorio, PA, Chief, Public Affairs Office, AFP.

Kaya naman hindi aniya naging pahirapan sa kanila ang pagkumbinsi sa mga residente na lumikas dahil bago pa ito may ginawa na silang hakbang sakaling pumutok ang bulkan.

“Hindi naman ganon ka-challenging kasi may mga kasama naman tayo from the local government unit at ‘yong mga kumakausap sa mga kababayan natin.”

“Tuluy-tuloy naman ‘yong ginagawa talaga nating information and education campaign hindi lang ‘yong local government units pati lahat ng government agency concern dito sa pagresponde,” pahayag ni LtCol. Israel Galorio, PA, Chief, Public Affairs Office, AFP.

Maging sa tropa at mga personahe sa kanilang HADR units ay nakahanda rin.

“Yes, actually nakikita na namin mga posible na mga mangyayari, mga makakaharap namin na challenges in response into this incident so we have provided na ‘yong personnel natin ng enough equipment, may mga facemask na tayo na ipinamigay sa kanila, dinagdagan natin ‘yong mga mobility tsaka communication assets para magkaroon ng tuluy-tuloy na komunikasyon lalong-lalo na doon sa mga personnel natin na madi-deploy sa mga liblib na lugar,” ayon kay Galorio.

Sa ngayon, pinaghahandaan na nila ang posible pang paglawak ng pinsalang dulot ng ashfall at ang pagdami ng mga maaapektuhan ng lahar.

“Ang binabantayan natin is baka lalo itong lumala ‘pag nagkaroon ng ulan kasi magkakaroon ito ng lahar so baka lalawak pa itong mga apektadong lugar natin,” ani Galorio.

Sa huli, payo ng VisCom sa mga residente na nakatira malapit sa bulkan.

“Gusto lang namin ipaabot don sa mga kababayan natin na maging mahinahon sila and then maging alerto makinig sa advisories ng local authorities natin at sumunod lalong-lalo na kung kinakailangang lumisan don sa lugar nila ‘yong buhay natin ay nag-iisa lang so ‘wag sana nating sayangin yon,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble