Sumulong Flood Interceptor ng DPWH-NCR, pinatitigil dulot ng bitak sa paanan ng Marikina Bridge

Sumulong Flood Interceptor ng DPWH-NCR, pinatitigil dulot ng bitak sa paanan ng Marikina Bridge

IPINATITIGIL muna ni Marikina Mayor Marcy Teodoro ang proyektong Sumulong Flood Interceptor ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-NCR.

Ito ay matapos magdulot ng mga bitak sa paanan ng Marikina Bridge.

Sa liham ni Mayor Teodoro kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, ipinahihinto muna nito ang nasabing proyekto habang walang malinaw na determinasyon na ginagawa para sa tamang teknolohiya o pamamamaraan upang iwasto at ayusin ang mga nasirang parte ng tulay na magsisiguro sa integridad ng istruktura para sa kaligtasan ng publiko.

Nagsimula umanong makita ang mga bitak matapos ang walang tigil na pagbabaon ng mga pilote ng kontraktor ng nasabing ahensiya sa kasagsagan ng ulan ng Enero 6, 2023 na hindi agad ipinagbigay-alam sa pamahalaang lungsod ng Marikina.

Kung hindi pa dahil sa nagmamalasakit na mamamayan, hindi pa aniya ito malalaman ng alkalde.

Bunsod nito, nagbabala si Teodoro na agad ayusin ang mga nasira ng kontraktor ng DPWH sa lalong madaling panahon o kakaharapin nila ang patong-patong na kasong sibil, kriminal o administratibo.

 

Follow SMNI News on Twitter