ISA sa napagkasunduan at iniutos ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. sa Department of Agriculture (DA) ay ang masigurado na mabibigyan ang mga magsasaka ng palay ng sapat na suporta.
Ito ang inihayag ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa sa Laging Handa public briefing nitong Huwebes.
Aniya, pinatitiyak ni Pangulong Marcos na makukuha ng mga magsasaka ang suporta sa tamang panahon, kung ito man ay hybrid o inbred seeds kagaya ng patubig at fertilizer.
Dagdag pa ni De Mesa, pinasisiguro din ng Punong Ehekutibo na maibibigay rin ang iba pang ayuda katulad ng rice farmer financial assistance.
Kaugnay rito binigyang-halaga ni Pangulong Marcos ang reorganisasyon sa mga ahensya ng pamahalaan para makamit ang sapat na produksyon ng bigas sa bansa sa loob lamang ng 2 taon.