KINASUHAN na ang suspek at dalawang iba pa sa pagpatay sa broadcaster sa Misamis Occidental.
Naihain na ng Philippine National Police (PNP) sa Prosecutor’s Office ng Misamis Occidental ang kaso laban sa suspek at dalawang iba pa kaugnay ng pagpatay sa radio broadcaster na si Juan Jumalon alyas Johnny Walker.
Ito ang kinumpirma ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Jean Fajardo bilang bahagi ng case build-up mechanism ng Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Fajardo, sinampahan ng kasong murder at theft ang suspek at dalawang “John Does”.
Hindi muna aniya isinapubliko ng PNP ang pagkakakilanlan ng suspek habang nagpapatuloy ang case build-up.
Nauna nang inilabas ng Special Investigation Task Group (SITG) ang facial composite sketch ng isa sa mga suspek sa krimen.
Napag-alaman na ang suspek ay ang kasama ng gunman na naiwan sa gate ng studio nang isagawa ang pagpatay kay Jumalon.