KINILALA ni Col. Robert Baesa, chief of police ng Taguig City ang suspek ng pamamaril sa isang transient house sa siyudad, noong araw ng Linggo, Agosto 21.
Kinumpirma ni Baesa ang pagkakakilanlan ng suspek na si Julian Panimbatan alyas “Jimboy” na isang dating navy.
Sa panayam ng SMNI News, sinabi ni Col. Baesa na may kasong AWOL o absent without official leave ang suspek at natanggal na sa serbisyo.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dating magka-live in partner ang suspek at ang biktimang si Marie Angelica Belina at may isang anak ngunit nagkahiwalay dahil maraming sabit ang suspek.
Nakatakda rin sanang magtungo sa bansang Japan si Belina.
Ang dalawa pang nasawi ay sina Mark Ian Desquitado at Tashane Joshua Branzuela na parehong kaibigan ng suspek.
Sinabi naman ni Baesa na maituturing na isang ‘crime of passion’ ang insidente.
Sa ngayon, patuloy ang ginagawang manhunt operation ng mga awtoridad para magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ng tatlong biktima.
Samantala, nilinaw naman ng Taguig PNP na hanggang ngayon ay mababa pa rin ang insidente ng krimen sa lungsod sa gitna ng mga napapabalitang kaso ng kriminalidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.