BAHAGYANG bumagal ang inflation rate ng Pilipinas nitong Mayo 2025 na nasa 1.3%, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Mas mababa ito kumpara sa naitalang inflation rate noong buwan ng Abril na nasa 1.4%.
Ang pangunahing dahilan ng mababang inflation nitong buwan ng Mayo ay ang mabagal na pagtaas ng pabahay, tubig, kuryente, gas at iba pang panggatong.
Nag-ambag din sa pagbagal ng inflation rate sa food and non-alcoholic beverages ang mababang presyo ng bigas sa mga pamilihan, partikular sa National Capital Region na nasa -5.5.
Bagama’t bahagyang bumagal ang inflation rate ng ilang commodity groups, hindi naman maitatago ang pagbilis ng inflation ng ibang pasok sa food basket.
Kabilang na rito ang patuloy na pagtaas sa presyo ng karneng baboy, isdang galunggong, itlog, at gulay.
“We have an increasing inflation. So, in a way we can see that depending on the movement itong iba pang items in the food basket. Puwedeng tumaas o bumaba on the month of June,” ayon kay Usec. Claire Dennis Mapa, National Statistician & Civil Registrar General.
Dagdag pa ng PSA, karaniwang mas tumataas pa ang presyo ng gulay—lalo na’t idineklara na ng PAGASA ang panahon ng tag-ulan.
“Kadalasan talaga right after storms, mga baha ay doon natin nakikita ‘yung temporary na pagtaas sa presyo ng mga bilihin under the vegetables group,” ani Mapa.
Dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin, hindi na alam ni Joanne Balisi kung papaano pa pagkakasyahin ang sahod.
“Hindi sapat, kasi ‘yung ibang pangangailangan ng mga anak ko, hindi pa sapat sa kinikita ko. Ginagawa kong diskarte kapag pagkatapos ko rito sa trabaho ko ay kumuha ako ng extra bilang paglalaba ‘yun ang ginagawa ko para may extra income lalo na dalawa pinag-aaral ko high school at isang college,” ani Joanne Balisi, Manggagawa.