MAHIGPIT na tinututulan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro ang hakbang ng National Power Corporation (NAPOCOR) na taasan ang singil sa kuryente.
Batay sa petisyon ng NAPOCOR, magkakaroon ng 36 percent na pagtaas ang singil sa kuryente sa labas ng Main Luzon Grid.
Ibig sabihin, magkakaroon ng karagdagan na piso at dalawang sentimo sa kada kilowatt hour para sa mga residential user.
Ayon kay Gov. Humerlito Dolor, napakalaki na ang naturang pagtaas para sa mga taga-Oriental Mindoro na ngayon ay bumabangon pa mula sa epekto ng pandemya.
Kaugnay rito, hiniling ni Dolor sa Energy Regulatory Commission (ERC) na ibasura ang naturang panukala ng NAPOCOR.
Kabilang sa mga lugar na magkakaroon ng kaparehong pagtaas ng singil sa kuryente ang Mindoro, Marinduque, Palawan, Catanduanes, Masbate, Romblon, Tablas, Siquijor, Camotes, Bantayan, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.