SUMUKO na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang TikTok user na umano’y nag-post ng death threat laban kay presidential candidate Bongbong Marcos.
Ito ang inihayag ng tagapagsalita ni Marcos na si Attorney Vic Rodriguez.
Ayon kay Rodriguez, nakausap niya ngayong umaga si NBI Deputy Director Vicente De Guzman at ibinalita nito na sumuko na ang TikTok user kahapon, Pebrero 8.
Una nang sinabi ng PNP na natukoy na nila ang TikTok user na nagbanta sa buhay ni Marcos at patuloy ang kanilang digital trail para sa pagsasampa ng kaso at pag-iisyu ng warrant of arrest.
Kinumpirma rin ni Justice Menardo Guevarra ang pagsuko sa naturang TikToker at ayon sa opisyal, nagtungo ito sa NBI para magpaliwanag at hindi magpaaresto.
“The owner of the BBM death threat account voluntarily turned himself into the NBI yesterday. He was advised to secure the assistance of counsel. I think he went to the NBI to give his side, but he’s not under arrest,” ani Guevarra.
Matatandaan na nag-trending ang isang TikTok user nang magcomment ito sa isang post na nagbabanta sa buhay ni BBM.
“Namemeeting kami araw araw para paghandaang ipa-aasasinate namin si BBM humanda kayo,” ayon sa TikTok user.