Traffic operation ng MMDA, apektado kasunod ng pagsuspinde ng no contact apprehension policy

Traffic operation ng MMDA, apektado kasunod ng pagsuspinde ng no contact apprehension policy

MAY epekto ang pagpapatigil ng No Contact Apprehension Policy sa traffic operation ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay MMDA Spokesperson Atty. Cris Saruca, Jr., malaking tulong ang NCAP sa pagpapanatili ng disipilina sa mga motorista at kaayusan sa trapiko sa mga pangunahing kalsada.

Nagsisilbi ring force multiplier aniya ang mga CCTV upang mahuli ang mga lumalabag na motorista sa batas trapiko.

Batay sa datos ng MMDA, higit 107,000 na motorista ang nahuli sa pamamagitan ng NCAP dahil sa traffic violations.

Ang pangkaraniwang mga paglabag ay ang disregarding of traffic sign, number coding at no loading and unloading.

Dahil sa Temporary Restraining Order (TRO) ng Supreme Court, magde-deploy na lang muna ang MMDA ng mga traffic enforcer sa mga pangunahing kalsada na sakop ng polisiya.

Kabilang na rito ang EDSA, Macapagal Boulevard, Commonwealth Avenue, Quezon Avenue, Roxas Boulevard at C-5.

Ang ilang Metro Manila LGU’s handa namang tumalima sa TRO na inisyu ng Korte Suprema.

Ang Quezon City Government, iginiit na sa pamamagitan ng NCAP, nabawasan ng 93% ang traffic violations sa ilang bahagi ng lungsod.

Ayon pa sa LGU nagkaroon ng disiplina ang mga motorista dahil sa NCAP at naniniwala ito na ang pagpapatupad ng nasabing polisiya ay ligal at maayos.

“The Quezon City NCAP program has significantly reduced the traffic violations in the affected areas by 93%. It has shown that it instills a culture of traffic discipline among motorists and we believe that its implementation is legal and proper,” ayon sa Quezon City Government.

Gayunpaman, nirerespeto ng Quezon City Government ang TRO na inisyu ng Supreme Court at tatalima sila rito.

“That being said, the Quezon City Government fully respects and will abide by the Temporary Restraining Order (TRO) issued by the Honorable Supreme Court regarding the implementation of the No Contact Apprehension Program (NCAP),” ayon sa nasabing LGU.

Ang Manila City Government iginiit din na sa pamamagitan ng NCAP, bumaba ng mahigit sa kalahati ang traffic violations at aksidente sa daan sa Maynila.

Nawala rin ayon sa lokal na pamahalaan ang kotongan sa mga NCAP areas at bumilis ang daloy ng trapiko.

Naniniwala ang Manila City Government na tama at wasto ang pagpapatupad nila sa NCAP na nagdulot ng mabilis, episyente, at maginhawang serbisyo sa mga taga-Maynila.

“Naniniwala ang liderato ng Pamahalaan ng Lungsod ng Maynila na ang tama’t wastong paggamit ng makabagong teknolohiya ang siyang daan upang makapagdulot ng mabilis, episyente at maginhawang serbisyo sa lahat ng mamamayan,” pahayag ni Atty. Princess Abante, Communications Head, Manila City Government.

Gayunpaman, susundin ng Manila LGU ang TRO oras na matanggap ito mula sa Supreme Court.

 “Gayung naihain ang petisyon laban sa NCAP sa Korte Suprema at inutos ang pansamantalang pagtigil sa implementasyon ng NCAP, susundin po ng Lungsod ng Maynila ang Temporary Restraining Order sa oras na natanggap po ito,” ayon kay Abante.

Ang Parañaque City Government ay naglabas na ng abiso na hindi na ipatutupad ang NCAP sa lungsod.

Sa Valenzuela City, suspendido na ang NCAP simula kahapon pero paalala ng LGU na magiging aktibo pa rin ang city traffic enforcers upang matiyak na nasusunod ang traffic regulations sa lungsod.

Ayon naman kay San Juan City Mayor Francis Zamora nirerespeto nila ang desisyon ng Supreme Court ukol sa NCAP at susundin nila ito.

“The Supreme Court has spoken regarding the No Contact Apprehension Program (NCAP). Although San Juan has not yet implemented NCAP, we respect their decision and will abide by it,” pahayag ni Zamora.

Matatandaang, naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang ilang transport group at hiniling sa mga mahistrado na maglabas ng temporary restraining order laban sa NCAP.

Iginiit ng mga grupo, unconstitutional ang pagpapatupad ng NCAP.

Sa kabila ng suspensyon ng NCAP, tuloy-tuloy pa rin ang operasyon sa Metrobase ng MMDA.

Bukod kasi sa pag-monitor ng traffic violations ay ginagamit din ang mga CCTV sa pagmonitor ng baha, sakuna o vehicular accidents.

 

Follow SMNI News on Twitter