MATAGUMPAY na isinagawa ng 4th Infantry Division ng Philippine Army (PA) ang tatlong araw na Transformation Program Planning Workshop katuwang ang Office of Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa lungsod ng Cagayan de Oro para sa mga communist terrorist group (CTG) o former rebel (FR) sa Region 10.
Ang nabanggit na hakbang ay bahagi ng isinusulong ng gobyerno na “Whole of Nation Approach” na nakatutok sa operasyon ng Local Peace Engagement at pagpapalakas ng Transformation Program para sa mga FR.
Dito ay iprinisenta ng 4th ID ang estado ng mga FR sa rehiyon at nagbigay rin ng update ang ibang ahensiya kaugnay sa mga tulong at benepisyo na naibigay na sa mga FR.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), Regional Directors at mga representante mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan gaya ng 4th Infantry Division, DILG, NEDA, PNP, DOJ, at mga private institutions.
Layunin nitong mapanatili ang kapayapaan at maisulong pa ang pagsisikap ng gobyerno upang tuluyang wakasan ang insurhensiya sa pamamagitan ng pagtugon sa mga sanhi nito at masiguro ang pagbabalik ng mga FR sa kanilang komunidad.