Trapiko sa Metro Manila, lalong bumibigat bago ang Pasko—MMDA

Trapiko sa Metro Manila, lalong bumibigat bago ang Pasko—MMDA

BUMIBIGAT na ang daloy ng trapiko ilang araw bago ang Pasko ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Inaasahan na mas lalala pa ang traffic sa mga darating na araw dahil papalo anila sa kalahating milyon ang magiging bilang ng mga sasakyan. Kaya ngayon pa lang may hiling na ang MMDA sa mga mall operator.

Dito sa Pilipinas, hindi na kailangang mag-Pasko para madama ang mabigat na daloy ng trapiko.

Araw-araw kasi ganito ang eksena sa mga lansangan.

Batay sa datos ng MMDA, aabot na sa higit 421,000 ang bilang ng mga sasakyang dumaraan sa EDSA kada araw simula nitong Setyembre.

Mas bumagal sa 19.95 kilometers per hour ang takbo ng mga saksakyan sa northbound habang 18.13 kilometers per hour naman sa southbound na dati ay bumibilis pa sa 21 kilometers kada oras.

“Normally umaabot tayo ng halos half a million eh habang lumalapit ‘yung Christmas season, we expect na before Undas bibigat pa iyan then after Undas dire-diretso na iyan hanggang Christmas time na,” ayon kay Atty. Romando Artes, Chairman MMDA.

Adjusted mall hours sa Metro Manila, sisimulan sa Nobyembre 18

At dahil nga sa nararamdamang bigat ng trapiko, pinakiusapan na ng MMDA ang mga mall operator na i-adjust ang kanilang mall hours simula Nobyembre 18 hanggang hatinggabi ng Disyembre 26. Ayon sa ahensiya epektibo ang hakbang na ito laban sa matinding traffic na inaasahan habang papalapit ang Pasko.

“’Yung ating mga kababayan unang-una sa umaga mas late nagbubukas kasi marami nang hindi napapasabay doon sa usual morning rush hour then sa hapon naman may napagsta-stayan sa gabi, may napagstatayan pa’ yung ating mga kababayan,” dagdag ni Artes.

Alas-onse ng umaga magbubukas ang mga mall simula Nobyembre 18.

Depende na sa mga mall kung ano ang magiging closing hours nila pero hiling ng MMDA na palawigin ng mga ito ang oras ng kanilang pagsasara.

“Depende na po sa mga mall owners. Pero, we encourage nga them to extend sana para ‘yung gustong magpalipas po ng traffic ay magpastayan pa and then makagawa rin sila ng errands nila like grocery, last minute shopping,” ani Artes.

Kaugnay sa deliveries sa mga mall, papayagan lamang ito mula alas-11 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga pero exempted dito ang mga magde-deliver ng mga perishable gaya ng pagkain.

Papayagan lamang ang mall-wide sale bago ang Nobyembre 18.

“We are supporting naman kasi whatever MMDA requesting from us sir. And most likely naman bonuses are released before November 18 din po,” wika ni Christina Manalo, Regional Operation Manager, Robinsons.

“Similar with other malls din were going to follow din naman the request of the MMDA regarding these holiday season to ease itong congestion sa EDSA during holiday season natin,” ayon kay Paolo, Operations, Trinoma.

May 131 mall sa Metro Manila kung saan 29 dito ay matatagpuan sa kahabaan ng EDSA.

Simula Nobyembre 18 hanggang Disyembre 25 ay ipagbabawal na rin ang mga road works pero papayagan ito 24 oras simula Disyembre 26 hanggang Enero 2.

Makikipag-ugnayan naman ang MMDA sa Department of Transportation (DOTr) para mas maibsan pa ang mabigat na trapiko habang papalapit ang Pasko.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble