Tsuper sa Batangas City bida sa libreng pamasahe at tubig para sa mga pasahero

Tsuper sa Batangas City bida sa libreng pamasahe at tubig para sa mga pasahero

VIRAL ngayon sa social media ang isang jeepney driver mula Batangas na laging may dalang libre para sa kaniyang mga pasahero!

Libreng sakay sa may kaarawan? Tsek!

Libreng sakay sa PWD at buntis? Tsek!

Libreng sakay sa single mom? Tsek na tsek!

May libreng tubig pa? Tsek na, presko pa!

Tunay ngang hindi lang biyahe ang hatid ni Kuya Adonis—kundi malasakit, araw-araw!

Nakilala ng publiko si Kuya Adonis Endrinal, isang 50-anyos na tsuper mula Batangas City, dahil sa kaniyang nakaka-good vibes na kabutihang ginagawa araw-araw sa biyahe niya mula Batangas City patungong Bauan.

Dating seaman si Kuya Adonis, ngunit dahil nagkaroon siya ng problema sa pandinig, kinailangang iwan niya ang trabaho at piniling maging jeepney driver.

Sa pagbabalik sa pamamasada, pinili niyang tumulong—lalo na sa mga PWD, buntis, senior citizens, at single moms—dahil ramdam niya ang hirap ng kanilang kalagayan. Hindi rin niya pinalampas na ilibre ang mga nagdiriwang ng kaarawan.

Sa kabila ng maliit na kita at alternate na pasada dahil sa Odd-Even Scheme, hindi hadlang sa kaniya ang magmalasakit sa kapwa. At kung nauuhaw ka sa biyahe? May libreng mineral water din mula pa noong 2024!

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Kuya Adonis, ibinahagi nito kung kailan niya sinimulan ang kaniyang mabuting gawain at ang mga pagkilalang natanggap niya.

“Ang 2017 po nagstart po ako ng libreng sakay po sa mga PWD, buntis at senior citizen tapos nakita po ng LGU—halos dalawang taong pagpapalibre yun nabigyan po ako ng parangal ng LGU noong 2019, dalawang beses po tapos nagstart po ulit ako natigil po nun dahil pandemic po (ma’am) nung pagkapandemic po nagstart po ulit ako nung 2021 ata po, 2020 ng senior citizen po nabigyan din po ng parangal,” ayon kay Kuya Adonis Endrinal, Jeepney driver, Batangas City.

Kasama niya sa pagbibigay ang kaniyang pamilya. Suportado siya ng kaniyang misis na isang guro, at ang kaniyang 14-anyos na anak ay namana rin ang malasakit sa kapwa.

“Kahit po ‘yung anak ko kapag may nakita po sa kalsada na nanghihingi ‘Tatay meron ka bang barya dyan, bibigyan natin siya.’ Minsan nag-aabot din po siya sa mga batang nakikita niya sa lansangan. Ginagaya niya po ako kaya lang hindi niya pa maibigay dahil wala pa siyang trabaho. Kaya lagi ko pong sinasabi sa anak ko na, ‘huwag kang maging madamot sa tao, mapagbigay ka sa kapwa,” dagdag ni Kuya Adonis.

May paalala rin si Kuya Adonis para sa mga may kakayahang tumulong:

“’Yun naman pong may kakayahang tumulong, maaring namang—tumulong naman po tayo, huwag po tayong magmadamot sa kapwa natin. Kung may nanghihingi pong unting bagay ay bigyan naman po natin sila dahil meron talaga pong nangangailangan,” aniya pa.

Sa panahon ngayon, paalala ni Kuya Adonis na ang malasakit ay walang pinipiling propesyon o estado sa buhay. Saludo kami sa’yo, Kuya Adonis!

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble