Tulong para sa mga Pinoy repatriates mula Haiti, tiniyak ng DMW

Tulong para sa mga Pinoy repatriates mula Haiti, tiniyak ng DMW

AMINADO ang Department of Migrant Workers (DMW) na wala pang nakatakdang oras o panahon kung kailan maiuuwi ang mga Pinoy na nasa Haiti.

Ito’y sa kabila ng patuloy na kaguluhan sa Caribbean dahil sa marahas na aktibidad ng mga gang sa lugar.

Sa panayam ng SMNI News kay DMW Officer In-Charge Hans Leo Cacdac, sinabi nito na kasalukuyan na nilang isinasaayos ang charter flight ng mga Pinoy worker dahil walang flight na pinapayagang lumabas sa Haiti, at ang land travel sa kabisera ng Port-au-Prince ay hindi rin pinapayagan dahil sa matinding gang activities.

“Sa lalong madaling panahon hindi ko lang maitalaga ang eksaktong petsa pero kung maaring maisaayos ito ngayong linggo ay ngayong linggo maari nang makauwi,” ayon kay Atty. Hans Leo Cacdac, Officer-In-Charge, DMW.

Dagdag din ni Cacdac, 63 Pinoy ay nasa ilalim ng voluntary repatriation matapos aprubahan ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo ang rekomendasyon sa pagdeklara ng Alert Level 3, para sa mga Filipino sa Haiti.

Kinumpirma rin ni Cacdac na kasalukuyan ay mayroong 154 Filipino ang nasa Caribbean Island-Nation na karamihan ay nagtatrabaho bilang technical workers, skilled o professional workers.

Gayunpaman, wala naman naiulat na Pinoy sa Haiti ang nasawi o nasugatan.

Nilinaw rin ni Cacdac, simula 2017 pa ay may deployment ban na sa Haiti dahil walang sapat na batas ang Haiti government na magbibigay proteksiyon para sa mga ide-deploy na Overseas Filipino Workers (OFW) doon.

Marami rin aniyang dahilan kung bakit sa kabila ng deployment ban ay marami pa ring mga Pinoy ang nagtatrabaho doon.

Maaaring ang iba ay mula sa bansa na hindi direktang nanggaling sa Pilipinas o ang iba ay matagal nang nagtatrabaho sa Haiti bago pa ipatupad ang deployment ban.

“Since 2017 ‘yan kaya’t hindi na nagkaroon ng deployment doon at yun nga patuloy ‘yung ban na ‘yan at ‘yun nga marami sa mga kababayan natin na mukhang may mga nakapasok doon na undocumented,” ani Cacdac.

Ayon naman sa direktiba ng Pangulo, inihahanda na ang tulong para sa mga OFW doon.

“Bibigyan natin sila ng financial assistance na katulad sa ibang lugar na binigyan natin and then pangkabuhayan pagdating nila, and then TESDA, ‘yung kasanayan kapartner natin si DG Mangadadato at team sa TESDA and of course sa DSWD ay mayroon din pangkabuhayan package at psychosocial counselling doon sa mga nakaranas ng trauma,” dagdag pa nito.

Samantala, dahil din sa kaguluhan ay apektado ang operasyon ng mga negosyo, paaralan, transportasiyon, at iba pa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble