Ugnayan ng PNP sa mga barangay, paiigtingin ng bagong PNP chief

Ugnayan ng PNP sa mga barangay, paiigtingin ng bagong PNP chief

SA kanyang pag-upo bilang bagong itinalagang Philippine National Police (PNP) chief nanindigan si Police General Rodolfo Azurin, Jr. na mas mainam aniya ang mapaigting pa ang ugnayan ng publiko, komunidad at barangay leaders sa bansa para sugpuin ang problema ng kriminalidad at maging sa iligal na droga.

Ani Azurin, walang higit na may kontrol sa mga problema ng alinmang komunidad sa bansa kundi ang mga pinuno ng bawat barangay.

“I always believe that the barangay leaders kilala nila kung sino ‘yung mga constituents nila. So, kailangan is we communicate na pagtulung-tulungan natin ito. And then kung kinakailangan na ipa-rehab ‘yung mga drug affected sa community dapat meron tayong rehabilitation, merong tayong mga Bahay Pangarap na existing naman na eh. Pinakamaganda diyan is i-engage natin directly ‘yung mga drug users. We bring awareness in all barangays nationwide,”  pahayag ni Azurin.

Bagama’t hindi naman ito tutol sa drug war campaign na sinimulan ng nakaraang administrasyon, madami pa rin aniya ang namamatay sa laban kontra iligal na droga.

“Alam nila kailangan ay pagtulung-tulungan nating sugpuin ito. Hindi ‘yung…ang ano dyan sa dami nang namatay bakit may droga pa rin. So, ibig sabihin we are not really hitting what needs to be addressed,” ayon kay Azurin.

Bukod sa mga barangay, nais ding palakasin ng PNP ang pakikipagtulungan nito sa mga lider ng simbahan at pribadong religious sectors sa bansa mabilis na rehabilitasyon o pagbabago ng mga sangkot sa kriminalidad, mapa-pulis man o ordinaryong indibidwal.

Makatutulong din aniya ang mga simbahan sa pagpapaangat ng kredibilidad ng mga kapulisan bilang mga respetadong sektor ang simbahan sa alinmang komunidad sa bansa.

“We need the help of the church leaders. If we talk of Metro Manila, aminin natin na mababa ang kridibilidad ng pulis dito sa Metro Manila na kapag ikaw sinabi mo na ‘yung pulis gusto niyang magbago walang maniwala diyan di ba. That’s why we need to engage the church leaders so that sila ngayon ang taga-convey na ‘o may programa pala ang pulis dito gusto nilang magbago tulungan kaya natin’ so parang through the church leaders, they are giving assurance,” ani Azurin.

Sa ngayon, aminado ang PNP na hindi sapat ang internal cleansing na ginagawa ng PNP sa kanilang mga tauhan, ang pinaka-epektibong paraan aniya ay ang maging alerto ang bawat police commanders na tingnan at alamin ang mga problema mismo ng kanilang mga tauhan upang maiwasan ang iba’t ibang iregularidad na nagaganap sa loob ng PNP.

Hakbang aniya ito para matiyak na ginagawa nang maayos ang sinumpaang tungkulin ng bawat kapulisan sa bansa at hindi malusutan ng mga kriminal.

“Dapat kahit tsismis nalalaman natin sino bang mga pasaway na mga pulis. If we go back doon sa programa ni Chief PNP Eleazar ‘yung ‘Broken Window’ maliit pa lang dapat nalalaman na natin through the feedback ng community so that immediately we can address ‘yung mga erring personnel natin. Ang sa akin kaya sinasabi ko kanina na lahat ng commanders should exercise their disciplinary authority kasi by level ‘yan eh. Dahil sa isang istasyon kung 25 ‘yan siguro marami na ‘yung apat na pasaway dyan eh. Kung ikaw commander ka hindi mo mapasunod ‘yung 25 na ‘yun and then hindi mo madisiplina, you cannot imposed discipline upon them. I think we need to relieve the entire station,” dagdag ni Azurin.

 

Follow SMNI News on Twitter