Ugnayang pang-ekonomiya sa pagitan ng Pilipinas at Israel, mas pinagtitibay pa

Ugnayang pang-ekonomiya sa pagitan ng Pilipinas at Israel, mas pinagtitibay pa

NAGKAROON ng kauna-unahang pagpupulong ang Israel-Philippines Joint Economic Committee sa pamumuno ng Department of Trade and Industry (DTI) ng Pilipinas at ng Ministry of Economy and Industry ng Israel ngayong linggo.

Layunin ng pagpupulong na palakasin pa ang ugnayan ng dalawang bansa pagdating sa negosyo at kabuhayan.

Tinalakay rito ang mga bagong oportunidad para sa pagtutulungan, at kung paano mapapadali ang kalakalan at pamumuhunan sa pagitan ng Pilipinas at Israel.

Ibinahagi ni Ambassador Irit Savion-Waidergorn ang mga programa ng MASHAV, isang ahensiya ng Israel para sa international development.

Kabilang dito ang mga pagsasanay at palitan ng kaalaman sa larangan ng inobasyon, agrikultura, suplay ng tubig, at lokal na pamahalaan—lahat ay nakatuon sa pagpapalago ng kabuhayan at pag-unlad ng mga komunidad.

Samantala, sinabi ni Israeli Ambassador Ilan Fluss na mahalaga ang pulong na ito bilang simula ng mas malalim na ugnayan ng dalawang bansa, lalo na matapos nilang pumirma ng kasunduan noong 2022.

Ipinakita rin ni Economic Attaché Ofek Venecianer, ang kinatawan ng Israel sa Maynila, ang patuloy na paglago ng kalakalan at pamumuhunan ng Israel sa Pilipinas, kasama na ang mga makabagong proyekto sa iba’t ibang sektor.

Sa tulong ng mga inisyatibang ito, nagtutulungan ang Pilipinas at Israel para makamit ang mas maunlad, konektado, at makabagong kinabukasan para sa kanilang mga mamamayan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble