SINUGOD sa ospital ang nasa 88 mag-aaral ng San Francisco Elementary School sa Sablayan, Occidental Mindoro dahil sa umano’y food poison.
Ito’y matapos makaramdam sila ng pananakit ng tiyan, ulo, at pagsusuka pagkatapos kumain ng lumpiang gulay na nabili lamang sa labas ng nasabing paaralan.
Nasa 6 na guro din ang umano’y na-food poison.
“Tayo naman po ay tumugon kaagad. Noong makakuha tayo ng balita, covering 88 learners and 6 teachers. Nagpadala po kaagad ang ating Division’s office ng ating district nurses. Dineploy sila para tignan kung ano ang nangyari sa mga bata,” pahayag ni Atty. Michael Poa, spokesperson ng Department of Education (DepEd).
Maglulunsad din ng imbestigasyon ang DepEd sa nasabing inisidente dagdag ni Poa.
“Kami po sa Department of Education, finally, maglulunsad din po tayo ng imbestigasyon sa nangyari na iyan. Bakit? Dahil ayon po sa Department Order No. 8 Series of 2007, hindi po dapat tayo pumapayag na may mga outside vendors na pumapasok sa ating mga paaralan para magbenta ng pagkain,” ayon kay Poa.
Ayon kay Poa nais ng kagawaran na matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng mga bata kaya sa school canteens lamang pinapayagan ang pagbebenta ng mga pagkain.
Kinakailangan din aniya na may sanitary permit at health permit mula sa LGU ang mga canteen sa loob ng paaralan.
Hindi pa masasabi ng DepEd kung may pananagutan ang naturang eskwelahan sa nasabing insidente.
Sa ngayon hinihintay na lamang ng kagawaran ang resulta ng food sample upang malaman ang tunay na sanhi ng pagka-food poision ng ilang mag-aaral at guro.