NITONG huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos, ipinagmalaki nito na umabot sa 5,500 flood control projects ang natapos ng kaniyang administrasyon at marami pang ibang ginagawa sa buong bansa.
Subalit ilang araw matapos ang SONA, nilubog sa baha ang National Capital Region (NCR) at karatig-bayan matapos ang paghagupit ng Habagat kasabay ng bagyong Carina. May lugar pa nga na lampas tao ang tubig-baha.
Dahil dito, nakatanggap ng kaliwa’t kanang batikos ang pamahalaan mula sa mga kritiko at mismong sa mga ordinaryong mamamayan at binansagan pang sinungaling.
Ito’y dahil sa kabila raw ng maraming flood control projects na ipinagmayabang ng pamahalaang Marcos Jr. ay dumanas pa rin ang mamamayan ng matinding pinsala dulot ng malawakang pagbaha.
Ang ilang senador, hinanap ang bilyong halaga ng pondong inilaan sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na tila hindi umano nagamit.
May kumakalat pa sa social media na mayroong P787.6-B na pondo ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa loob ng nakalipas na dalawang taon para sa flood control.
Gayunpaman, tinawag ito na ‘fake news’ ni MMDA Chairman Romando Artes.
Sa press briefing sa Malakanyang nitong Martes, nilinaw ni Artes na nasa P1.8-B lamang ang kanilang budget para sa flood control program noong 2023 at P2.2-B ngayong 2024.
Kasama na aniya rito ang P400-M budget para sa operasyon at maintenance ng 71 pumping stations sa NCR.
“In fact, sa history po siguro ng MMDA, we are already 49 years – baka iyong total budget po namin sa 49 years na iyan ay hindi pa po naka-P87-B. So, mali po iyong kumakalat sa post na P787.6-B ang budget ng MMDA for flood control projects sa dalawang taon,” ayon kay Romando Artes, Chairman, MMDA.
Pagsasaayos ng nasirang floodgate sa Navotas, posibleng abutin pa ng isang buwan ayon sa MMDA
Samantala, ipinahayag ng MMDA chair na maaari pa ring makaranas ng pagbaha ang mga residente ng Malabon at Navotas.
Ito’y hangga’t hindi pa nakukumpuni ang nasirang Tangos-Tanza Navigational Gate at kung sasabayan pa ng high tide at malakas na pag-ulan.
Aniya, posibleng matatagalan pa ng isang buwan bago maisaayos ang naturang floodgate.
“So, ang timeline po natin, two weeks po iyong pagde-desilt, pero habang naman pong dine-desilt iyong area, ginagawa naman po iyong fabrication ng nasirang piyesa. Para as soon as mai-angat po siya, maikabit po in a week or two. So, more or less mga one-month po iyong timeline natin, weather permitting,” ani Artes.
DPWH, walang direktang sagot kung magiging flood-free ang Metro Manila
Sa sectoral meeting sa Malakanyang, sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na ipinaalam niya sa Pangulo na mahigit 5,000 flood control projects ang ipatutupad ng ahensiya.
Pero sa Palace briefing, hindi nakapagbigay ng direktang sagot si Bonoan sa tanong kung may tsansa bang maging flood-free ang Metro Manila.
Sambit ng kalihim, maiibsan lamang ng 70% hanggang 80% ang baha sa NCR kapag matugunan na ang problema sa basura at makumpleto na ang flood control management programs ng gobyerno.
“There are still many low-lying areas in Metro Manila. Ang kuwan lang natin dito is to mitigate the flooding problems in Metro Manila,” ayon kay Sec. Manuel Bonoan, DPWH.
“I-trap muna natin iyong mga tubig-baha na nanggagaling sa watershed, particularly in the Sierra Madre mountains ‘no and so that iyong pagdaloy ng tubig-baha will be controlled,” dagdag nito.
Nabanggit naman ng DPWH chief na kabilang sa drainage masterplan ng pamahalaan ang Marikina Dam project, Paranaque spillway, at pagtugon sa problemang dulot ng basura lalo na sa bahagi ng informal settlers.