Utang ng PhilHealth sa Philippine Red Cross, muling lumobo

POSIBLENG mapilitang suspendihin muli ng Philippine National Red Cross ang pagsasagawa nito ng COVID-19 testing.

Ito ang pahayag ni PRC Chairman Richard Gordon dahil sa muling pagkabigo ng PhilHealth na bayaran ang utang nito na ngayon ay umabot na sa P762.8 milyon.

Paliwanag ng PRC, kailangan nila ng pondo para sa karagdagang supplies na kailangan sa pagsusuri sa COVID-19 at sa iba pang serbisyo ng ahensiya.

Matatandaan na noong Oktubre ng nakaraang taon ay itinigil ng PRC ang COVID-19 tests nito na babayaran ng PhilHealth matapos umabot sa halos isang bilyon ang utang nito.

Muli namang ibinalik ng Red Cross ang testing nang mabayaran ng PhilHealth ang kalahati ng kanilang utang sa PRC.

PhilHealth, humingi ng paumanhin sa Red Cross

Muling humingi ng paumanhin ang pamunuan ng Philippine Health Insurance Corp o PhilHealth sa Philippine Red Cross dahil sa muling pagkaantala ng kanilang pagbabayad sa utang nito para sa COVID-19 tests.

Ayon kay PhilHealth spokesperson Rey Baleña, natagalan ang pagproseso sa pagbabayad dahil kailangan pang sumunod ng state insurer sa mga patakaran ng Commission on Audit o COA sa pagproseso ng claims.

Bukod pa dito, dumaan din aniya ang sunud-sunod na holiday.

Nangako naman ang PhilHealth na babayaran nito ang utang sa PRC.

Matatandaan na noong weekend ay inihayag ni PRC Chairman Richard Gordon na halos umabot na sa P800 milyon ang utang ng PhilHealth dahil sa mabagal na pagproseso ng pagbabayad nito.

SMNI NEWS