VP Duterte, tiniyak ang mabilis na imbestigasyon sa pagkasawi ng Grade 5 student sa Antipolo

VP Duterte, tiniyak ang mabilis na imbestigasyon sa pagkasawi ng Grade 5 student sa Antipolo

BINISITA ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang burol ni Francis Jay Minggoy Gumikib, isang Grade 5 student na namatay kamakailan lang dahil sa pamamaga ng utak.

Ayon kay VP Duterte, nakausap niya ang mga magulang ni Francis at kaniyang tiniyak ang mas mabilis na imbestigasyon ukol sa insidente.

Aniya binigyan niya lamang hanggang Lunes, Oktubre 9, ang DepEd Region 4-A CALABARZON upang tapusin ang fact-finding investigation sa pagkasawi ni Francis.

Kasama rin aniya sa napag-usapan ay ang pag-issue ng formal charges na may pansamantalang pagsususpinde laban sa mga sangkot sa isyu at posibleng kaso ng child abuse dahil sa pananampal ng guro.

Dagdag pa ni VP Duterte na tutulungan ng DepEd ang mga magulang sa paghahain ng mga kasong kriminal sa mga kinauukulang awtoridad kung may basehan ito sa ebidensiya at autopsy result.

Para masabi ang totoong dahilan ng pagkamatay ni Francis, inaantay pa ang resulta ng ginawang autopsy.

Magbibigay naman ani Vice President Duterte ang DepEd ng Psychological First Aid para sa mga magulang at mga kapatid ng mga biktima.

Hinikayat niya naman ang nakatatandang anak nila na hindi pa nag-aaral na bumalik sa paaralan sa pamamagitan ng late enrollment, o sa pamamagitan ng DepEd Alternative Learning System (ALS).

Napag-usapan din ng pangalawang pangulo at ng mga magulang na para sa kanilang mga nakababatang anak na na-trauma sa pangyayari at nahihirapang pumunta ng personal sa paaralan, isasailalim sila sa blended learning upang magpatuloy at hindi maantala ang kanilang pag-aaral.

Follow SMNI NEWS on Twitter