HINDI pinalagpas ni Vice President Sara Duterte ang pagkakataon na dumalo sa isang mass wedding ceremony kasabay ng selebrasyon ng Araw ng mga Puso.
Mas naging espesyal ang pag-iisang dibdib ng higit 60 magkasintahan sa Parañaque City.
Ito ay matapos tumayo bilang ninang ng kanilang kasal si Vice President at Education Sec. Sara Duterte.
Sa kaniyang mensahe, pinayuhan ni Vice President Duterte ang mga newlywed na bigyang pagpapahalaga ang family planning at responsible parenthood.
Kwento ng pangalawang pangulo na batay sa kaniyang experience sa Davao City, maraming mga pamilya sa lungsod ang hindi umaahon sa kahirapan dahil sa hindi maayos na family planning at hindi kontroladong bilang ng pagbubuntis.
Kaya pagbibigay-diin ni Vice President Duterte na dapat magplano nang maigi ang mga mag-asawa patungkol sa pagkakaroon ng anak.
Kailangan aniyang isaalang-alang ng bawat mag-asawa ang kakayahan ng mga ito na maibigay ang pangunahing pangangailangan ng mga bata.
Sa huli, hinimok ni Vice President Duterte ang mga ito na tumungo sa mga health centers para mag-avail ng mga serbisyo sa family planning.
Lubos naman ang pasasalamat at ang kasiyahan ng mga bagong kasal sa pagdalo ni Vice President Duterte sa seremonya na anila ay mas naging espesyal ang nasabing pagdiriwang.
Binigyang-diin naman ni Vice President Sara Duterte ang halaga ng pagiging pasensyoso at pagiging mabuti sa isang relasyon.
Dapat din aniya araw-araw ay Araw ng mga Puso sa bawat relationship.