HINIKAYAT ni Vice President Sara Duterte na magsabi ng totoo si Philippine National Police (PNP) Chief Rommel Marbil.
Kaugnay ito sa pagtanggal ng 75 na mga pulis bilang security personnel ng pangalawang pangulo kamakailan.
Sa isang open letter ni VP Sara sa PNP Chief hinggil dito, sinabi niyang agad siyang nagpaliwanag na hindi makakaapekto sa kaniyang trabaho ang pagbabawas sa kaniyang security detail para matapos na agad ang usapin.
Subalit, nakatlong interview na aniya si Marbil patungkol sa kaniya at ang mga ito ay pawang naglalaman ng kasinungalingan.
Ang Vice Presidential Protection Division (VPPD) na isinailalim sa PSPG ayon sa utos ng NAPOLCOM ay sadyang ginawa para hindi mapakialaman ang security detail ng mga vice president ng bansa ngunit malinaw na nalabag ito sa nangyaring pagbabawas ani VP Sara.
Nilinaw rin nito na walang natanggap na request ang OVP patungkol sa pull-out ng 75 personnel ngunit hindi na lang anila sila nakipagtalo.
Hinggil naman sa sinasabi ni Marbil na wala silang banta na nakikita sa seguridad ni VP Sara, sinabi nito na may natanggap nga sila kamakailan hinggil sa isasagawa sanang “casing” sa bahay na kaniyang inuupahan.
Ang leaked CCTV footage rin nito nang paalis sila papuntang Germany ay isa ring uri ng banta ayon kay VP Sara.
Sa sinabing police augmentation ang dahilan para sa pagkuha ng 75 personnel mula sa kaniyang security detail, ipinagtataka ni VP Sara kung bakit ipinadala sa National Capital Region ang mga ito na kulang din naman ang mga pulis sa Mindanao.
Ang mga natira sa kaniya ngayon ay 45 na lang at mga pinili pa ni Marbil.
Dahil dito, sinabi ni VP Sara na dahil kayang ilagay sa alanganin ng mga ito ang seguridad niya bilang pangalawang pangulo ng bansa ay mas malala pa ang magagawa nila sa ordinaryong mamamayan gaya na lang aniya sa harassment na ginawa ng mga ito kay Pastor Apollo C. Quiboloy ng the Kingdom of Jesus Christ.