Marikina River, mas lumalim at lumapad pa dahil sa tuluy-tuloy na dredging operations

Marikina River, mas lumalim at lumapad pa dahil sa tuluy-tuloy na dredging operations

MASA lumalim at lumapad pa ang Marikina River dahil sa tuloy-tuloy na dredging operations.

Isa ang Marikina City sa mga bahaing lugar tuwing malakas ang ulan o di kaya’y tuwing may bagyo.

Ang mga residente na malapit sa Marikina River ang kadalasang apektado ng mga pagbahang ito.

Kaya sa gitna ng nararanasang init ng panahon, pagkakataon na ito ng lokal na pamahalaan para ikasa ang tuluy-tuloy na malawakang dredging operations sa Marikina River.

Ayon kay Marikina Mayor Marcy Teodoro, mas lumalim at lumawak pa ang nasabing ilog kung ikukumpara noon.

“Ngayon ‘yung ibang area from 70 meters, napalapad na natin ng 100 meters ‘yung ilog. From 15 meters napalalim na ito ng ‘yung ibang area nasa 19, yung iba nasa 20 meters, 20 meters,” ayon kay Mayor Marcy Teodoro, Marikina City.

22.5 meters ang kailangang lalim ng Marikina River batay sa isinagawang hydrological analysis sabi ni Teodoro.

Iyan ay para maiwasan ang pagbaha kung magkakaroon man ng matinding pag-ulan o bagyo na kasinglakas ng Ondoy.

Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng dredging operation bilang paghahanda sa papalapit na La Niña.

“Pag nag-dredge tayo ang ini-improve natin ay ‘yung water carrying capacity nung ilog. Ibig sabihin, mas malaking volume ng tubig ang maaaring dumaan doon sa river channel natin,” ani Teodoro.

Bukod sa dredging operation, inaayos at pinapaganda rin ng lokal na pamahalaan ang Marikina River Park.

Sinabi ni Teodoro ang plano nilang pagtatanim ng mas marami pang puno sa tabi ng ilog.

Inaasahan namang matatapos ang dredging operation at muling mabubuksan sa publiko ang parke sa 2025.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble