Produksiyon ng palay sa unang bahagi ng 2024, bumaba—PSA

Produksiyon ng palay sa unang bahagi ng 2024, bumaba—PSA

BIGAS ang pangunahing pagkain o ‘staple food’ kung tawagin ng mga Pilipino.

Ang industriya ng bigas sa bansa ang nagbibigay ng kabuhayan sa maraming Pilipino, lalo na sa mga nasa kanayunan na karamihan ay magsasaka ng palay.

Kaya’t ang pagbabago sa produksiyon ng palay ay may malaking epekto hindi lamang sa kanilang pagkain kundi pati na rin sa kanilang kabuhayan.

Sa datos nga ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ng higit 4.68 milyon metriko tonelada ng palay sa unang bahagi ng 2024.

Mababa ito sa naging produksiyon ng palay noong nakaraang taon na higit 4.77 milyon MT.

Grupo ng magsasaka, nababahala sa posibilidad na kapusin ang suplay ng bigas

Ang Federation of Free Farmers Cooperatives (FFF) ay nababahala sa posibilidad na mas sumikip pa ang suplay ng bigas sa mga susunod na buwan dahil sa tumitinding init ng panahon bunsod ng El Niño.

 “Ang problema natin niyan, ‘pag humina ‘yung ani sa 2nd quarter, ang next harvest niyan ay September, October or November pa. So, we are talking of a 4-month period na wala tayong ani. So, that’s what we called the lean months. So, for 4 months, we will get a supply until we will reach the next harvest season. So, kung mabababa ang ani natin ngayong 1st at 2nd quarter we will have to rely on the imports” ayon kay Raul Montemayor National Chairman, FFF.

Pinsala sa agrikultura dahil sa epekto ng El Niño, umakyat pa sa P5.9-B—DA

Paano ba naman kasi mas malaking bahagi ng naapektuhan ng El Niño sa usapin ng agrikultura ay sektor ng palay.

Sa bulletin number 9 ng Department of Agriculture (DA), umakyat pa sa higit P5-B ang halaga ng pinsala sa agrikultura.

Kabilang pa sa mga pananim na nasira ay mais, cassava, high value crops tulad ng gulay at iba pang agri products.

Higit 113,000 magsasaka rin ang naapektuhan na may higit 104,000 ektarya ng sakahan.

Ang may pinakalamaking pinsala ay sa MIMAROPA Region, Western Visayas, Cordillera, at Cagayan Valley.

Sabi ng DA, walang dapat ikabahala sa pagbaba sa produksiyon ng lokal na palay dahil hindi naman ito nakakaapekto sa kabuuang suplay. Sunud-sunod rin kasi ang pagdating ng mga imported na bigas na nakatulong upang mapatatag umano lalo ang suplay ng bansa.

Higit 695K na pamilya, apektado ng El Niño—DSWD

Samantala, umaksiyon na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga kababayang apektado ng El Niño.

Sa kanilang datos, umabot na sa mahigit 695,000 pamilya sa 13 rehiyon ang apektado ng El Niño.

Kaya naman ayon kay Spokesperson at Asec. Irene Dumlao ng DSWD.

“Nakapaghatid na po tayo ng mahigit P97-M worth of relief assistance doon po sa mga naapektuhan. This is through a family food packs dahil ito ang immediate na pangangailangan ng ating mga kababayan na naapektuhan ng severe drought na results of El Niño phenomenon,” ani Dumlao.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble