Publiko, duda sa P29/kg ng bigas na nakatakdang ibenta ng NIA sa Agosto

Publiko, duda sa P29/kg ng bigas na nakatakdang ibenta ng NIA sa Agosto

SA bawat mesa ng bawat Pilipino, isa sa mga pangunahing pagkain na hindi mawawala ay ang bigas.

Ngunit, patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng bigas sa mga merkado na nagdudulot ng pag-aalala lalo na sa mga kababayan nating umaasa sa mababang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Pero, may hatid aniya na magandang balita ang National Irrigation Administration (NIA) sa mga Pilipino.

Sa buwan kasi ng Agosto ay nakatakda itong magbenta ng P29 kada kilo ng bigas sa lahat ng KADIWA outlet nito ng NIA.

Sa ilalim ito ng programang contract farming, kasama ang PhilMech, PhilRice, National Rice Program, at iba pa.

Ibang uri naman aniya kasi ng binhi ng palay ginamit na drought resistant o nabubuhay sa panahon ng tag-init.

“’Yung mga hybrid o inbred o mga ‘yung ibang farmers ay may hybrid din at inbred. Alam niyo kasi itong 40,000 hectares all over Philippines to eh so may mga sites na gusto ng mga farmers ay… katuwang ito ng PhilRice,” pahayag ni Engr. Eduardo Guillen, Administrator, NIA.

Nasa 100,000 metriko tonelada o 100 milyong sako ng bigas ang inaasahamg anihin ng NIA sa buwan ng Hulyo.

“’Yung suplay namin para dito ay manggagaling po doon sa contract farming ng NIA. So, magsisimula kasi ang harvest namin by July eh, hopefully mga August ay puwede na kaming magbenta tayo sa mga kadiwa center natin,” dagdag ni Guillen.

Pero, ilan pa rin sa ating mga kababayan ang hindi na naniniwala sa mga ganitong uri ng pangako lalo na sa sinasabing murang bigas. Dahil hanggang ngayon hindi pa rin daw ramdam ang pangako ni Pangulong Bongbong Marcos na P20 kada kilo ng bigas.

“Hindi mangyayari ‘yun mataas ang bilihin ngayon hindi na bumababa talagang P60 ang bigas, bumababa rin P40 doble pa sa bente,” wika ni Christian, may-ari ng karinderya.

“Hindi ka pani-paniwala, bawas na lang sa takal ng kaunti para mabalik ‘yung puhunan mabawi kasi mataas nga ‘yung bigas ngayon eh ‘yung inaano ko nga ngayon ay P60 ang kilo niyan kasi walang ng mababa,” wika ni Christian, may-ari ng karinderya.

“Hindi ako naniniwala or kung mayroon man hindi mo makain puro parang marumi na siya ganon halos hindi mo na siya makakain. Hindi ako naniniwala ‘yung P40 nga hindi na maganda ‘yun pa kayang P29. Hirap na hirap,” ayon kay Edita, may-ari ng karinderya.

“Lahat tumaas. Nanawagan ako kay Pangulong Marcos na aksyunan ‘yung mga presyong tumataas, halos lahat tumataas, wala namang bumababa, ‘yun lang kasi ayaw ko naman i-compare ‘yung administrasyon noon at tsaka ngayon. Tingin ko hindi naman talaga nila siniseryosong tugunan niyan eh, kaya ganon lang hanggang pangako lang ‘yun, hindi naman siniseryosong tugunan. Iba ‘yung focus nila, edi ‘yung kanya-kanyang sariling alam mo na interes hindi naman ‘yung para sa mga masa, hindi para malayo pa pinaghahandaan na ‘yung eleksyon na ‘yan, o di ba nagsisiraan na, hindi sila nakapokus doon sa talagang nangyayari ngayon na dapat unahin katulad nga ng inflation rate na ‘yan mabilis masyadong tumaas,” aniya pa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble