Umano’y kasunduan sa pagitan ng isang military official at China sa WPS, pinabulaanan ng pamahalaan

Umano’y kasunduan sa pagitan ng isang military official at China sa WPS, pinabulaanan ng pamahalaan

PINABULAANAN ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ipinalabas na pahayag ng gobyerno ng China kaugnay sa pinasok umanong kasunduan ng Pilipinas para sa pangangasiwa sa Ayungin Shoal na bahagi ng pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea (WPS).

“The DFA wishes to emphasize that only the President of the Republic of the Philippines can approve or authorize agreements entered into by the Philippine Government on matters pertaining to the West Philippine Sea and South China Sea. In this respect, the DFA can confirm that no Cabinet-level official of the Marcos administration has agreed to any Chinese proposal pertaining to the Ayungin Shoal,” pahayag ng DFA.

Giit ng ahensiya, walang dokumento o rekord ang pamahalaan sa sinasabing pakikipag ugnayan nito sa bansang China kaugnay sa usapin sa WPS.

“No such document, record or deal exists, as purported by the Chinese Embassy,” ayon pa sa DFA.

Matatandaang, kamakailan lamang ay sinabi ng Chinese Embassy sa Manila na nakipagkasundo umano ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command (WESCOM) sa China ngayong taon para sa “new model” sa pamamahala sa sitwasyon sa Ayungin Shoal.

Sinabi pa nito na ang bagong modelong ito ay inaprubahan ng pamahalaan ng Pilipinas, kabilang ang Department of National Defense (DND).

Pero sa kaniyang pagharap sa media, mariing itinanggi ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. na sangkot ang DND sa anumang kasunduan sa China kaugnay sa “new model” sa Ayungin Shoal.

Sa katunayan, isa sa mga hakbang na pinag-aaralang gawin ngayon ng kanilang hanay ang pagpapaigting sa operational security measures upang labanan anila ang mga maling ginagawa ng bansang China.

Posibleng paglabag ng China sa Anti-Wiretapping law, sinisilip na ng pamahalaan kaugnay sa umanoy pag-uusap ng China at military official tungkol sa WPS

Naniniwala si Defense Secretary Gilberto Teodoro na may nilabag ang China sa tahasang pag-record ng isang pribadong pag-uusap sa pagitan nila at ng umano’y military official kaugnay sa isang kasunduan sa WPS.

Ito ay kung may katotohanan aniya ang ipinakakalat ng China na nakipagsundo sila sa ilang AFP official para sa isang new model o bagong modelo kung papaano pangangasiwaan ang Ayungin Shoal.

Bagay na ayon kay Teodoro ay isang paglabag sa batas ng Pilipinas dahil sa hindi nito pagdaan sa mga kinauukulang ahensiya gaya ng DFA.

AFP, nagpaliwanag sa biglaang pag-leave ni WESCOM Chief Vice Admiral Alberto Carlos sa gitna ng isyu ng diumano’y “new model” agreement ng Pilipinas at China

Samantala, nagpaliwanag naman ang AFP sa biglaang pag-leave ni Western Command Chief Vice Admiral Alberto Carlos at sinabi na ang personal leave ni Carlos ay walang kinalaman sa pinalutang ng Chinese Embassy na kuwento tungkol sa umano’y “new model” arrangement sa Ayungin Shoal na umano’y sinang-ayunan ng WESCOM sa pahintulot ng matataas na opisyal ng pamahalaan.

Pansamantalang humalili sa puwesto ni Carlos si Naval Education, Training and Doctrine Command chief Rear Admiral Alfonso Torres Jr. at babalik naman umano sa puwesto si Carlos pagkatapos ng kaniyang personal leave na nagsimula nitong Martes.

“Let’s respect his decision to file [for leave]. It’s an inherent right of every individual to go on leave, for whatever reasons,” wika ni Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.

Para naman sa National Security Council, itinanggi rin nito ang pahayag ng Tsina kasabay ng pagtawag sa impormasyon bilang isang absurd, ludicrous at preposterous o walang rason para paniwalaan ito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble