1-M katao, inaasahang dadalaw sa Manila North Cemetery sa Undas

1-M katao, inaasahang dadalaw sa Manila North Cemetery sa Undas

TINIYAK ng pamunuan ng Manila North Cemetery na 100% na silang handa sa 1-M na mga taong posibleng bumisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay ngayong Undas.

Inaasahan na kakapal ang bilang ng bibisita dahil papayagan na rin ang mga bata sa loob ng sementeryo kasunod ng pag-aalis ng COVID-19 restrictions.

Pero ayon kay Roselle Castañeda, director ng Manila North Cemetery, dapat suotan ng ID na may contact number ang mga bata.

Wala na ring restrictions pagdating sa facemask.

Ibig sabihin wala na ang dating ‘‘No Face Mask, No Entry Policy’’ sa loob ng sementeryo gaya ng ipinatupad noong mga nakaraang taon dahil sa pandemya.

Ang bawal sa loob ng sementeryo ay mga nakalalasing na inumin, baraha, baril, kutsilyo o matutulis na bagay at flammable material para sa seguridad ng mga dadalaw.

Mahigpit ding ipagbabawal sa loob ng sementeryo ang pagdadala ng sound system.

Bawal din ang pagdadala ng mga alagang hayop tulad ng aso.

Para hindi makumpiska pa ang mga naturang gamit na ito sa inyo, huwag na itong dalhin sa pagdalaw.

Ang vendors, hanggang Oktubre 28 lang papayagang makapagtinda sa loob.

Bukas ang sementeryo sa publiko mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3, 5 AM hanghang 5 PM.

Ibig sabihin nito bawal ang overnight stay o dalaw sa loob.

Ayon kay Castaneda, puwede na ring dumalaw ngayon ng mga gusto nang mauna. Tuluy-tuloy naman ang clearing operations sa loob ng sementeryo.

MMDA magde-deploy ng halos 200 enforcer para manduhan ang trapiko sa labas ng sementeryo

Tumulong ang MMDA sa Manila LGU sa pagde-deploy ng mga tao para sa paglilinis kasabay ng ginawa nilang inspeksiyon ngayong araw sa Manila North Cemetery.

Bukod diyan, magde-deploy rin sila ng mga tao na magmamando sa trapiko lalo pa’t may mga isasarang daan simula Oktubre 31.

Maglalalagay ng help desk ang Manila North Cemetery para sa mga hirap na ma-locate ang puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Magkakaroon ng libreng sakay sa loob ng sementeryo gamit ang mga e-trike dahil ang ang mga pribadong sasakyan ay bawal sa loob.

Maglalagay ng medical at fire response team ang management maging ng mga Pulis Maynila na ipakakalat sa loob ng sementeryo.

Maglalagay rin sila ng mga toilet para sa mga dadalaw.

PCG, naka-heightened alert ngayong Undas, ilang barko hindi muna pinayagang maglayag

Samantala, pagdating sa mga uuwi sa mga probinsiya ngayong Undas at Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ang mga pantalan, naka-heightened alert.

Ayon kay PCG spokesman Armand Balilo ngayong Biyernes nila inaasahan ang pagkapal ng volume ng pasahero.

Mahigipit aniya ang inspeksiyon sa mga bagahe.

Mayroon silang mga K9 Dogs para umamoy ng mga kontrabando.

Paaala rin ng PCG na tiyakin ng mga pasahero na nakalagay ang kanilang mga pangalan sa manifesto bago ang pagsakay nila ng barko. Paalala ng PCG, bawal ang overloading.

Si Transport Secretary Sec. Bautista na nag-inspeksiyon sa loob ng barko para matiyak ang sea worthiness nito.

Ayon kay Bautista, mayroon na silang barko na pinigilan nilang maglayag.

Ang ilang biyahero patungong Palawan excited nang umuwi, lalo pa’t matagal na umano silang hindi nakakauwi ng probinsiya.

Follow SMNI NEWS on Twitter