TUMANGGAP ng tig-10K pisong cash assistance ang 15 libong pamilya na mga biktima ng nagdaang Bagyong Odette sa bansa.
Ang pinansiyal na tulong ay galing sa pondo ng National Housing Authority (NHA).
Ayon kay NHA General Manager Joeben Tai, inaprubahan ang pondo sa ilalim ng Special Emergency Housing Assistance Program (EHAP) para ipamahagi sa mga pamilya sa Puerto Princesa, Roxas, San Vicente, Taytay, at El Nido, Palawan.
Ang pondo ay nakalaan para sa pagpatatayo ng mga nasirang tahanan noong nagdaang kalamidad at sa iba pang pangangailangan ng mga biktima.
Sa kabuuan, nakapaglabas ang NHA ng mahigit sa P8-M para sa nasabing programa at kabuuang P2-B simula nang umupo ang bagong liderato nito.
Nilinaw ng ahensiya, na magtutuluy-tuloy ang pamimigay ng pinansiyal na tulong sa mga lubhang nasalanta ng mga nagdaang bagyo bilang kaagapay sila sa pagharap ng bagong buhay ng bawat pamilyang Pilipino.