18 river basins sa bansa, balak i-upgrade ng pamahalaan kontra baha

18 river basins sa bansa, balak i-upgrade ng pamahalaan kontra baha

DAHIL sa laki ng pinsalang dulot ng nagdaang Bagyong Kristine sa Kabikulan, isa sa mga pangunahing plano ng pamahalaan ngayon ang pag upgrade sa malalaking river basin sa bansa.

Sa pulong balitaan sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na hinihintay na lamang nila ang memorandum mula sa opisina ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. para masimulan na ang pagsasaayos sa 18 river basins sa bansa na pangungunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Mula sa nasabing plano, kasama rito ang pagpapalawak at pagdaragdag ng taas ng mga imprastruktura ng mga ilog upang hindi agad umapaw ang tubig mula rito oras na dumating ang isang malaking kalamidad na posibleng magdulot ng malaking pinsala sa komunidad.

Batay sa pag-aaral ng pamahalaan, nakita nila na mababaw na ang mga ilog na sumasalo sa tubig-ulan dagdag pa rito ang mga tubig na nanggagaling sa mga bundok na nagdulot ng mabilis na paglaki ng tubig-baha.

Magugunitang hanggang ngayon, halos 100 pa ring bayan at lungsod sa malaking bahagi ng Bicol Region ang nananatiling lubog sa tubig-baha dala ng Bagyong Kristine.

Umaasa ang pamahalaan na oras na masimulan na ang pagsasaayos sa mga malalaking ilog sa bansa, mababawasan na anila ang pagkasawi ng buhay sa panahon ng kalamidad.

Ang mga ilog na sasailalim sa integration plan ang Cagayan, Pampanga, Agno, Abra, Pasig-Marikina-Laguna de Bay, Bicol, Abulug River sa Luzon Island; Agusan, Agus, Davao, Cagayan de Oro, Mindanao, Tagum- Libuganon, Tagoloan, at Buayan-Malungun River sa Mindanao Island;  Panay at Jalaur River basins naman sa Panay Island.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble