KINASUHAN ng Department of Justice (DOJ) ang 2 sangkot sa pagbebenta ng sanggol online.
Malaking tulong ang iba’t ibang produktong inaalok ng mga kompanya at indibidwal online.
Mas nabibigyan kasi ng malawak at mabilis na access ang mga mamimili sa mga produkto na nais nilang bilhin.
Lahat nga halos ng maiisip mong bilhin aba’y makikita mo na online.
At wala nang kapagod-pagod dahil isang click lang ay mapapasa’yo na ang bagay na gusto mong bilhin.
Opo – BAGAY. Iba’t ibang bagay na makikita online.
Pero sa paglipas ng panahon at pagpasok ng makabagong teknolohiya – ay hindi nagpahuli ang mga masasamang loob at sinakyan na rin ito.
Nariyan na rin kasi ang tinatawag na ‘black market’ kung saan talamak ang bentahan ng mga kontrabando.
Pero ang mas nakapanlulumo dito – hindi lang basta ilegal na mga bagay ang ibinebenta rito dahil pati ‘sanggol’ – pwede na ring bilhin sa ‘black market’.
Nito ngang Pebrero 12, kasalukuyang taon ay naaresto ang dalawang suspek na nagbebenta ng sanggol sa online black market.
Ito nga’y matapos na makatanggap ng report ang Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) mula sa National Authority for Child Care kaugnay ng bentahan ng mga sanggol online.
Sa isinagawang operasyon ng PNP-WCPC, nagpanggap na buyer ng sanggol ang isang babaeng pulis kung saan naka-transaksiyon nito ang isang nagngangalang “Kuy’s Jay’ na nag alok ng P90-K halaga ng isang sanggol.
Nagkita ang dalawa sa isang simbahan sa Dasmariñas City, Cavite kung saan naging opisyal ang transaksiyon.
Gamit ang marked money, natanggap ng mga awtoridad ang sanggol mula kay Kuy’s Juy na na-identify na si Arjay Escalona Malabanan.
Naaresto rin sa mismong lugar ang ina ng sanggol na si Ma. Chariza Rivera Dizon.
Agad silang sinampahan ng reklamo sa Department of Justice (DOJ).
Batay naman sa resolusyon ng DOJ, may probable cause ang reklamo na nagbigay daan para masampahan sina Malabanan at Dizon ng mga kaso sa Manila RTC.
Nakasaad sa resolusyon nito na ang mga ebidensiyang ipinakita ay sapat para patunayan ang krimen ng qualified trafficking.
Ilan sa mga napatunayan ay ang mga respondent o mga akusado ang siyang nag-facilitate sa pag-aampon ng bagong silang na sanggol;
Ang pagpapamahagi ng pag-aampon ay may kabayaran na P90-K;
Ang layunin ay upang mapadali ang ilegal na pag-aampon; ang biktima ng trafficking ay isang bata; at ang aktong trafficking ay isinagawa sa pamamagitan ng paggamit ng ICT o anumang computer system at ang transaksiyon na ginawa sa pamamagitan ng plataporma ng Facebook messenger.
“Evidence adduced sufficiently established the crime of qualified trafficking: respondents facilitated the adoption of the newborn baby; facilitation of the adoption.”
“Was for a consideration of ninety thousand pesos (P90,000.00); purpose was to facilitate illegal adoption; the trafficked victim is a child; and the act of trafficking was committed by or through the use of ICT or any computer system, the transaction having been done through Facebook messenger platform,” stated DOJ Resolution.
Ayon pa sa resolusyon, ang ginawang pagbebenta ng mga respondent ng sanggol ay isang akto o uri ng exploitation o pang-aabuso.
Walang inirekomendang piyansa ang mga prosecutor para sa qualified trafficking.
P80-K naman ang rekomendadong bail o piyansa sa kasong Child Exploitation.