Itinaas ng Senado sa P94.2 bilyon ang subsidy para sa PhilHealth sa ilalim ng 2027 budget, mula sa dating P73 bilyon.
Ayon kay Senate Finance Committee Chairman Senator JV Ejercito, inilapit nito sa kaniyang target na P100 bilyon ang pondo upang mas maraming Pilipino ang makinabang sa Universal Health Care Act.
Kabilang dito ang P9.9 bilyong realignment mula sa Medical Assistance to Patients (MAP) funds na direktang mapupunta sa mga ospital para suportahan ang zero balance billing.
Sa naturang halaga, P7.6 bilyon ang para sa mga ospital ng Department of Health (DOH), P2 bilyon sa legacy hospitals at P1 bilyon sa mga ospital ng local government units.
Maglalaan din ng P5.49 bilyon para sa pagpapahusay ng mga pasilidad pangkalusugan, P1.099 bilyon sa health promotion at P1.599 bilyon sa immunization programs.
Ayon kay Ejercito, kabilang sa prayoridad ng Senado sa 2027 budget ang pagpapabuti ng mga ospital at pagpapababa ng gastusin ng mga pasyente.
PAX Silica, walang pondo sa 2027 budget ng BCDA; relokasyon ng mga residente, hindi muna itutuloy
Kinumpirma ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na walang nakalaang pondo para sa panukalang PAX Silica initiative sa kanilang 2027 budget.
Ito ang tugon ni Sen. Bam Aquino sa pagtatanong ni Sen. Imee Marcos sa plenary deliberations ng panukalang P1.14-bilyong subsidy ng BCDA mula sa national government.
Nilinaw ni Aquino na walang pondo para sa proyekto sa General Appropriations Act (GAA) at maging sa internally generated funds ng ahensiya.
Tinanong din ni Marcos kung may nakalaang budget para sa kompensasyon, relokasyon, at kabuhayan ng mga residenteng posibleng maapektuhan ng proyekto.
Ayon kay Aquino, may P322-milyong financial assistance ang BCDA para sa lahat ng lugar na sakop nito, ngunit hindi ito partikular na nakalaan para sa mga maaapektuhan ng PAX Silica.
Tiniyak naman ng BCDA na walang residenteng palalayasin, walang lupang sakahan na lilinisin at walang komunidad na ililipat hangga’t walang sapat na pondo at hindi natitiyak ang paggalang sa kanilang mga karapatan.
