Karapatan sa lupa, pinalalakas para sa Mangyan at mga magsasaka

Karapatan sa lupa, pinalalakas para sa Mangyan at mga magsasaka

Pinalalakas ang karapatan sa lupa ng mga katutubong komunidad at magsasaka matapos aprubahan ang ancestral domain ng Hanunuo Mangyan sa Mindoro at ihanda ang pamamahagi ng 4,850 land titles sa mga magsasaka sa Negros Oriental.

Matapos ang halos 19 na taong paghihintay, aprubado na ang aplikasyon ng Hanunuo Mangyan Indigenous Community para sa Certificate of Recognition of Ancestral Domain (CRAD).

Ayon sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), sakop ng kinilalang ancestral territory ang mahigit 41,508 hectares na lupain at ancestral waters sa Oriental at Occidental Mindoro.

Kabilang dito ang mga bahagi ng Bulalacao, Mansalay at Roxas sa Oriental Mindoro, at Barangay Naibuan sa San Jose, Occidental Mindoro.

Tinatayang 6,334 pamilya ang makikinabang sa pagkilalang ito na kumikilala sa kanilang karapatan sa lupang minana pa sa kanilang mga ninuno.

Nagsimula ang aplikasyon noong Disyembre 14, 2007 at sinuportahan ng mga konsultasyon, testimonya ng mga elders at dokumentasyon ng mga tradisyunal na hangganan at sagradong lugar.

Ayon sa NCIP, mahalagang hakbang ito sa pangangalaga sa karapatan, kultura at pamana ng Hanunuo Mangyan na ipinasa sa mga susunod na henerasyon.

 

4,850 land titles, ipamamahagi sa mga magsasaka sa Negros Oriental ngayong araw

Mamamahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng 4,850 land titles sa mga magsasaka sa Negros Oriental ngayong araw, Nobyembre 26.

Gaganapin ang pamamahagi sa Dumaguete City kasabay ng trade exhibit kung saan maipapakita at maibebenta ng mga agrarian reform beneficiary organizations ang kanilang mga produkto.

Ayon kay Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, hindi sapat ang pagkakaloob ng lupa dahil kailangan din ng mga magsasaka ng binhi, puhunan, makinarya, pagsasanay, at access sa merkado.

Kabilang din sa kailangang suporta ang farm-to-market roads, livestock at pautang upang mapalago ang kanilang sakahan.

Bahagi ito ng agrarian reform program at SPLIT project na naglalayong hatiin ang collective land titles at mag-isyu ng indibidwal na titulo sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Noong Hulyo, namahagi na rin ang DAR ng Certificates of Condonation na sumasaklaw sa P584.55 milyong hindi nabayarang amortisasyon ng lupa para sa 4,202 benepisyaryo sa lalawigan.

Follow SMNI NEWS in Twitter