NPC, magpapadala ng notice to explain sa mga ahensiya

NPC, magpapadala ng notice to explain sa mga ahensiya

Hinihintay pa ng National Privacy Commission (NPC) ang kumpletong ulat mula sa karamihan sa 13 government agencies na nakaranas ng data breach noong Nobyembre.

Ayon kay NPC Deputy Commissioner Atty. Jose Belarmino II, dalawa pa lamang sa 13 ahensiya ang nakapagsumite ng full breach report matapos maiulat sa komisyon ang mga insidente mula Nobyembre 9 hanggang 13.

Dahil hindi nakapagsumite ng kumpletong ulat sa itinakdang limang araw, magpapadala ang NPC ng notice to explain sa mga kinauukulang ahensiya upang hingan ang mga ito ng paliwanag.

“Wala pa po iyong full breach report at dahil po doon, magpapadala na po kami ng notice to explain sa kanila. Kasi kinakailangan po dapat nakapag-report na sila sa amin within that 5-day period. It’s considered already, actually a violation na hindi pa po sila nagri-report sa amin at nagsusumite ng full breach report,” ayon Atty. Jose Belarmino II,Deputy Commissioner, NPC.

Samantala, nagpapatuloy rin ang imbestigasyon ng NPC sa data breach na naganap sa Department of Migrant Workers (DMW) noong Setyembre.

Nagsagawa na rin ang komisyon ng on-site inspection at naglabas ng dalawang notice to explain sa naturang ahensiya.

 

Agency heads at data protection officers, posibleng managot sa data breach—NPC

Samantala, hindi lamang ang mga ahensiyang hindi nakapagsumite ng kumpletong ulat ang posibleng managot sa data breach.

Pati rin ang data protection officers na mapatutunayang nagpabaya sa pagprotekta sa personal data ay posibleng makulong, makasuhan, at pagmultahin.

Ayon kay Belarmino, kailangang iulat sa NPC sa loob ng 72 oras mula nang matuklasan ang insidente ang anumang data breach na nangangailangan ng mandatory notification.

Matapos ang paunang abiso, may limang araw naman ang kinauukulang ahensiya para magsumite ng kumpletong breach report.

Sa ulat na ito, susuriin ng NPC kung sapat ang mga hakbang na ipinatupad ng ahensiya upang maprotektahan ang mga personal data at maiwasan ang paglala ng insidente.

Tinitingnan din kung naabisuhan ang mga indibidwal na posibleng naapektuhan ng data breach.

“Ang compliance and monitoring division po namin, sila po ang in-charge, determine, kung sapat ba iyong ginawa nilang mga mekanismo at mga pamamaraan para ma-secure ang mga datos, mas hindi lumala iyong breach na nangyari. At kung na-notify ba nila iyong mga data subjects, kasi kinakailangan rin po iyon sa ilalim ng ating data privacy act,”  paliwanag ni Belarmino.

Pagkatapos ng assessment, ang Commission En Banc ang magpapasya kung may naganap na paglabag sa Data Privacy Act.

Binigyang-diin ni Belarmino na hindi awtomatikong nangangahulugan ng paglabag sa batas ang bawat insidente ng data breach.

Gayunman, kung mapatutunayang may kapabayaan, maaaring managot ang mga pinuno ng ahensiya, data protection officers at iba pang opisyal na responsable sa pangangalaga ng personal data.

Kabilang sa mga posibleng parusa ang criminal prosecution, pagkakakulong, at multa.

Maaari ring magpataw ng administrative fine laban sa mismong ahensiya.

“Sa Data Privacy Act, mayroon pong criminal prosecution at may kulong at fine at po puwedeng rin po ma-imposan ng administrative fine ang isang ahensiya tulad po nang nangyari doon sa PhilHealth noong 2020-2023 at maging doon sa malakihang breach noong COMELEC noong 2016,” pagtatapos nito.

Follow SMNI NEWS in Twitter