Tiniyak ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na magpapatuloy ang mga reporma sa Land Transportation Office (LTO) upang maibalik ang tiwala ng publiko sa ahensya sa gitna ng mga pangamba ng transport group na MANIBELA sa posibleng pagbabalik ng korapsiyon.
Nag-ugat ang usapin sa paglipat kay dating LTO Chief Markus Lacanilao bilang bagong administrator ng Maritime Industry Authority (MARINA), habang itinalaga naman si dating Naga City administrator Noreen San Luis bilang bagong pinuno ng LTO.
Ayon kay Dizon, kailangang patunayan ng bagong pamunuan na magpapatuloy ang mga repormang sinimulan ng nakaraang liderato upang tuluyang mawala ang negatibong pananaw ng publiko sa ahensiya.
Tiniyak naman ni San Luis na paiigtingin niya ang disiplina ng mga tauhan, susuriin ang kanilang records at sisiguraduhing hindi na makakabalik ang mga tiwaling opisyal sa LTO.
MARINA at LTO, inatasang tumulong sa paglutas ng truck congestion sa Port of Manila
Inatasan ni Transportation Secretary Vince Dizon ang Maritime Industry Authority at Land Transportation Office na magtulungan upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko sa Port of Manila.
Ayon kay Dizon, hindi lamang usaping maritime ang problema dahil marami ring truck na nakapila sa paligid ng pantalan.
Kabilang sa mga inatasang tumugon sina MARINA Administrator Markus Lacanilao at LTO Chief Noreen San Luis.
Batay sa datos ng Bureau of Customs (BOC) nitong Nobyembre 25, nasa 74% ang yard utilization sa Manila South Harbor, habang 81% naman sa refrigerated container yards.
